Thursday, December 4, 2008

dec 4 2008 (thursday) abante tonite issue

‘Di nagsisinungaling ang ebidensiya!
Rey Marfil


Kung susuriin lamang ni senadora Miriam Defensor-Santiago ang mga dokumentong hawak sa Euro general scandal, hindi lamang PNP generals ang nagbitbit ng asawa sa Russia, as in nakaligtaan ang katotohanang mismong executive director ng Philippine Center for Transnational Crime (PCTC) at pinuno ng Interpol-Manila ang nagbitbit ng esposa - si Undersecretary (Usec) Rolando Garcia, maging ang inarkilang consultant - si Nixon Dizon, ito’y guwardiyado sa buong biyahe ng kanyang asawa.
Sa final list ng Philippine Delegation sa 77th Interpol General Assembly, kasing-linaw ng Gin Kapitan at Ginebra San Miguel ang pag-angkas sa Russia trip nina Maria Lourdes Garcia at Emmarie Dolores Dizon, sakay ng British Airways flight 0878 at 4:10 p.m. ang arrival sa St. Petersburg, maging ang flight details pabalik ng Pi­lipinas noong October 9, sakay ng British Airways flight 0879 at 5:05 p.m. ang arrival. Ang tanong ng mga kurimaw sa intelligence unit: Sino ang kumargo sa gastusin ng kanilang mga asawa?
***
Napag-usapan ang ‘evidence ba?’ katulad ng litanya ni Gus Abelgas sa SOCO program na ‘hindi nagsisinu­ngaling ang ebidensiya’ - isang malaking katanungan ngayon kung anong ‘rendition’ ang gagawin ng kawangis ni Diomedes Maturan sa Euro scandal -si Bureau of Immigration and Deportation (BID) Commissioner Marcelino ‘Nonoy’ Libanan, aba’y isang ex-beauty queen mula Eastern Samar ang isinabit sa Russia trip, katulad ng naglabasang report sa media, as in kasama sa official delegation ng 77th Interpol General Assembly, simula October 7 hanggang October 10.
Kaya’t huwag ipagtaka ni Aling Miriam kung umangal si ex-General Eliseo dela Paz, sampu ng Euro ge­nerals, maging esposa ni PNP chief Jesus Versoza na si Cynthia, bakit nga naman puro heneral ang pinag-iinitan ng mga kongresista, senador at media gayong mismong si Liba­nan, ito’y nagbitbit ng confidential agent, eh puwede naman isama ang asawang si Teacher Elda Ellado sa Russia, maliban kung busy sa pagtuturo si Ma’am sa Taft National High School, Eastern Samar?
Ni sa panaginip, ayokong isiping ‘super-closed’ sa kanyang amo si Miss Keneth Gallano, dating Miss Eas­tern Samar at bank teller na ngayo’y naka-detail sa opisina ni Libanan bilang confidential agent, aba’y iisa ang flight details patungong Russia, kasama ang dalawa (2) pang tauhan ng BID - sina Atty. Floro Balato Jr., at Atty. Joysli Tabajonda via Lufthansa’s flight LX 1310 noong October 5 patungong St. Petersburg at Lufthansa’s flight LX 1311 noong Oktubre 12, pabalik ng Pilipinas.
Malinaw sa ga-dangkal na dokumentong isinumite ni Chief Supt. Raul Bacalzo, chairman ng fact-finding committee sa National Police Commission (Napolcom), meron isang Ms. Gallano ang kasama ng grupo ni Libanan patungong St. Petersburg, Russia - ito’y kabilang sa dalawampu’t dalawang (22) miyembro ng Philippine delegation subalit nakakapagtakang wala sa listahang hawak ni Aling Miriam, maliban kung ‘na-Magic touch’ at sinadyang binura para maka-iwas sa malaking eskandalo ang Immigration official.
Isa pang ipinagtataka ng mga kurimaw sa Immigration area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bakit lahat ng Euro generals at spouses- sina Anita Carta (misis ni General Emmanuel Carta), Rosa Alarcio (misis ni General Silverio Alarcio Jr.,) Fe Dela Paz (misis ni General Dela Paz), at Evita Caringal (misis ni General Jaime Caringal) at Cynthia Versoza (misis ni PNP chief Versoza), ito’y naka-book sa Hotel Park Inn sa Pribal­tiyska, St. Petersburg habang tumira sa Angleterre Hotel, sa North-West side ng St. Petersburg si Libanan. Kalokohan kung maki-share ng higaan sa kanilang amo ang da­lawang (2) abogadong isinama sa Russia!
Ngayong nabisto ang flight details ni Libanan sa 77th Interpol General Assembly, maraming ipapaliwanag ang look-alike ng tinaguriang ‘Perry Como of the Philippines’, hindi lamang sa taumbayan, maging sa kanyang misis. Sa malamang magkakasubukan ngayon kung makukuha sa ‘velvet voice’ ni Libanan ang kanyang asawa kapag ‘pinakanta’ kung anong nangyari sa Russia! (www.mgakurimar.blogspot.com).

No comments: