Tuesday, December 2, 2008

dec 2 2008 (tuesday) abante tonite issue

Nasa majority ang papalit kay Gloria
Rey Marfil


Dalawang linggo makaraang mapatalsik si Senador Manny Villar Jr., animo’y hindi pa rin matanggap ng ‘core group’ ang pagkakasibak ng kanilang hari, patunay ang pagdedma sa budget deliberation, maliban kay Lolo Joke­r Arroyo na nag-sponsor sa ilang government agencies. Maging sa fertilizer probe lumalabas pang nagpa-check lamang ng attendance ang katukayo ni Joselito Caye­tano gayong saksakan ng daldal sa media interview at panay ang ‘overtake’ kahit merong nagtatanong sa panahong hawak ang blue ribbon. Pero sa nakaraang dalawang public hearing na ipinatawag ni Dick Gordon, nakaisang question lang si Pedro, sabay layas ito!
Mabuti pa nga si Lito Lapid, kahit hindi nagtanong, aba’y nagbabad sa session hall noong Huwebes ng gabi. Hindi lang malinaw sa pandinig ng mga kurimaw kung sinadyang magpagabi ni Leon Guerrero para makatipid sa gasolina dahil mas maraming gas allowance si Philippine Tourism Authority (PTA) Chairman Mark Lapid. Hindi lang iyan, wala ring isinusumiteng membership sa committee on ethics ang bagong minority bloc, maliban kung taktika ang pag-boycott para madiskaril ang imbes­tigasyon sa conflict of interest ng C-5 Road project laban kay Villar. Kaya’t hindi maintindihan ni Aling Matet kung bakit napaka-big deal ang kudeta gayong ‘weder, weder’ lang naman ang nangyayari sa pulitika?
Ang bulong pa ng katukayo ni Joselito sa piling mediamen nang magpakain si Villar -- ilang taga-majority bloc na disgruntled sa partehan ng kapangyarihan at ‘big winner’ ang magkaibigang Loren at Edong Angara, Dick Gordon at Bong Revilla kaya’t hindi magtatagal ang samahan ng bagong majority bloc. Hindi kailangang UP graduate para maintindihan ang pagpapalit ng Senate President at kahit anong arithmetic ang gawin ng katukayo ni Joselito, paano makaka-trese ang kanilang grupo gayong Wednesday Club lamang ang natira sa kanilang kampo. Kundi pa nagpaiwan si Nene Pimentel bilang minority leader, mas lalong nagmukhang ‘social club’ ang minorya ngayon.
***
Napag-usapan ang pang-iintriga ng katukayo ni Joselito, paano masasabing ‘disgruntled’ at nagkakagulo ang majority bloc gayong solido ang ipinakitang suporta kay Senate President Juan Ponce Enrile sa isang blowout party na ibinigay ng mag-asawang Armida at Leonar­do Siguion-Reyna sa kanilang Kuya Johnny. Take note: pitong senador ang present sa Forbes Park Makati City noong Nobyembre 27, Huwebes ng gabi -- sina Ping Lacson, Loren Legarda, Mar Roxas, Chiz Escudero, Gringo Honasan, Dick Gordon at Jinggoy Estrada. Anyway, hindi nakadalo si Donya Consuelo, alyas Jamby Madrigal dahil nasa abroad habang merong naunang natanguang meeting si Migz Zubiri.
Sadyang hindi inimbitahan ng mag-asawang Siguion-Reyna ang ilang kasamahan ni Lolo Johnny sa majority bloc kaya’t puro taga-oposisyon ang tinawagan, sa pangu­nguna ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada. Iba pang present, sina Manong Ernie Maceda, ex-presidential political adviser Lito Banayo, Makati Mayor Jejomar Binay, Makati Congw. Abigail Binay, Quezon City Congw. Annie Suzano, Bibeth Orteza, United Opposition (UNO) Spokesman Atty. Adel Tamano, Susan Tagle, Cherry Pie Villongco at Grace Poe-Lamanzares, anak ng namayapang si Fernando Poe Jr.
Pagkatapos ng maliit na party, nagyaya si Lolo Johnny na magpa-picture taking at hindi nakasama ang mag-amang Estrada sa ‘kodakan’ dahil naunang umalis. Sa u­nang photo op, katulad ng request ni Lolo Johnny, puro senador ang nakatabi sa hagdan. Nasa kaliwa at kanan ni Lolo Johnny ang unang dalawang presidentiables -- sina Lacson at Roxas. Sa ikawalang baitang, magkatabi ang dalawang presidentiables ng Nacionalist Peoples Coalition (NPC) -- sina Legarda at Escudero habang nasa ikatlong baitang ang dalawang Independent sina Honasan at Gordon. Pagkatapos ng picture taking, nagwika si Lolo Johnny: ‘Ang susunod na Presidente, isa sa mga kasama ko sa picture na ito’. Ibig sabihin, malabo si Erap kahit panay ang ikot sa mga probinsiya at hindi rin si Villar o kaya’y si Uncle Noli de Castro ang papalit kay Gloria? (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: