Thursday, December 18, 2008

dec 18 2008 (thursday) abante tonite issue

Ang karapatan ni Sonny!
Rey Marfil


Hindi natin babangitin ang pangalan, hanggang nga­yon hindi maka-recover ang isang senador sa pagkakasibak ng kanilang grupo bilang majority bloc. Maging sa Christmas Party na inisponsoran, ramdam ng Senate media ang sama ng loob sa mga nagkudeta at mismong media relation officer (MRO) ang nagkukuwento sa pi­ling reporter kung bakit palaging absent at naging sakitin ang kanyang amo. Ang rason, hindi makalimutan ng senador ang pagkawala ng malalaking committee chairmanship kaya’t palaging inaatake ng migraine sa huling dala­wang linggo. Sa salitang mahirap, palaging sumasakit ang ulo at sobrang tipid ngayon sa gastusin ng opisina, aba’y wala nang mapaghuhugutan ang kumag. ‘Di ba birthday boy Atty. Dave Puyat?
Maliban sa unang senador, isa pang kasamahang mambabatas ang abot-Pampanga ang pagkapikon sa bagong majority bloc. Ang rason, hindi rin matanggap ang pagkakalipat ng kanyang kapangyarihan sa isang bagitong senador. Ang pakiramdam ng kunyong senador, ito’y pinakamahusay sa kanyang panahon at ayaw ikumpara ang sarili sa kasamahang pumalit sa kanyang puwesto. Ang malaking sampal sa kunyong senador, mas hinangaan ang bagitong senador dahil hindi nakitaan ng pagiging bagito kumpara sa unang salang ng kunyong senador sa dating puwesto -- ito’y ilang buwang nagkakalat sa floor at paulit-ulit binabaterya ng dating minority bloc noong 12th Congress, as in taon ang binilang bago natuto. Kahit itanong n’yo pa kay Dangerous Drug Board (DDB) Chairman Tito Sotto!
***
Nakakalungkot isipin, mismong nagpapakilalang ‘legal experts’ ang umangal sa teleconferencing upang makasali sa debate si opposition Senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV, maliban kung ‘di makalimutan ni Senadora Miriam Defensor-Santiago ang pagpalag ng detinidong senador sa Baseline Bill, gamit ang sariling batas na nilikha nito o kaya’y kinakabahan si Senador Jo­ker Arroyo sa bagong gadget ng Upper House -- ang laptop compu­ters. Ang kailangan lang ng Senate Secretaria­t, sa pangunguna ni PAGE girl Ruby M naka-assign sa session hall, ito’y palaging magbaon ng ‘3M cleaning cloth’, aba’y hindi uubra ang bimpong ‘Good Morning’ bilang panlinis kapag si Dick Gordon ang ka-debate ni Sonny, siguradong mamumuti ang laptop computer, pati wide screen!
Mabuti pa nga si Senador Rodolfo Biazon kahit de-lastiko ang cellular phone at tumitimbang ng dala­wang kilo ang nakagisnang radio communications ng Philippine Marines (PM), aba’y walang takot sa teleconfe­rencing na ipinu-proposed ni Senator Ping Lacson. Tanging panala­ngin lamang ng mga kurimaw: Huwag lang uminit ang ulo ng boss ni Glenda Olid kapag tinuruan sa bagong gadget ng mga taga-Senate Management Information System (MIS), kundi magkakandabutas-butas sa sigarilyo ang sedang pantalon nito. At least matututo nang pumindot sa keyboard ni Tatang ngayon. At kapag nagkataon, maraming makaka-chat si Tatang at siguradong gagabihin ng uwi sa bahay kapag napasok ang website ng ‘Metacafe’ at Hot Pinay.
Sa seryosong usapan, hindi convicted si Trillanes kaya’t malinaw ang lahat ng karapatang dapat ipagkaloob ng Justice department, maging kasamahang senador sa ilalim ng Konstitusyon. At nakakadismayang ikumpara ang kaso ni Trillanes kay dating Zamboanga del Norte Cong. Romeo Jalosjos dahil ‘kamunduhan’, as in kahalayan ang sinabitan ni Lolo Romy, ito’y napakalayo sa pagpapamartir ni Trillanes upang baguhin ang napakaruming gobyerno ni Mrs. Arroyo. Higit sa lahat, 11 milyong Pinoy ang tinanggalan ng boses sa Upper House. Take note: may daya pa iyan, eh paano kung ‘Patas na Laban, Para sa Lahat’ ang naganap noong 2007 mid-term election? Sa malamang, naglupasay ang kaibigan ni Edong Angara -- si Loren Legarda kung habambuhay na nakadikit ang No. 2 sa kanyang pangalan, katulad sa pagkatalo kay Uncle Vice, hindi ba’t pangalawa lamang si Loren Sinta? (www.mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: