Monday, August 1, 2011

Manahimik na lang!
REY MARFIL

Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), kasing-linaw ng “gin” ang posisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratlys Group of Islands -- ito’y kanyang dadalhin sa International Tribunal on the Law of the Sea.

Take note: umani ng pinakamalakas na palakpak ang tinuran ng Pangulo, maliban kung sadyang bingi o kaya’y puno ng tutuli ang tenga ng mga kritiko?

Tamang marinig ang ganitong mga salita sa pinakamataas na lider ng bansa na siyang dapat manguna sa hakbang na ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.

Bagama’t hindi naman tayo makikipagdigma, hindi natin dapat kalimutang idepensa ang ating mga teritoryo at alisin ang pandaigdigang pananaw na mahina ang ating kakayahan na ipaglaban ang mga bagay na nasa loob mismo ng ating bakuran.

Sa halip batikusin, bakit hindi kilalanin ang pagsusumikap ni PNoy na palakasin ang seguridad ng bansa, katulad ang modernisasyon ng Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP). Sa halos isang dekada, animo’y walang modernisasyong natikman ang militar at pulisya -- kung meron man, ito’y naiimbestigahan pa ng Upper House. Kung hindi dispalinghadong magazine ng baril at bala, aba’y naging brand new ang “secondhand” o kaya’y “ipinang-rescue” ang chopper sa tumitestigo laban sa katiwalian.

Sa tulong ng malinis na pamamahala, lalawak pa ang programa sa pagbili ng helicopters, patrol crafts, at ibang mahahalagang mga kagamitan. Pero sa dulo, tama si PNoy -- ang mapayapang resolusyon sa problema ang dapat pa ring mangibabaw, as in hindi kailangang makipagbarilan subalit hindi rin pwedeng “binabatuk-batukan” lamang.

At nakaraang SONA, maigting din ang posisyon ni PNoy na itigil ang kultura ng “wang-wang” o pang-aabuso sa kapangyarihan sa pamahalaan. Ibig sabihin, tayo’y mapalad dahil malinis na pamamahala ang isinusulong ng gobyerno, lalung-lalo na sa paglaban sa katiwalian.

Naging simbolo ang pagbabawal sa paggamit ng “wang-wang” para matigil ang mga pagsasamantala at determinado ang gobyerno na maging parehas ang laban, matigil ang pang-aabuso at tiyakin na pakikinabangan ng ordinaryong tao ang benepisyo sa pagsulong ng bansa.

Sa paglaban sa katiwalian, napababa ang bilang ng mga Filipino na nagugutom, tumaas ang tiwala ng mga mamumuhunan at napadali ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo sa publiko.

Hindi lang iyan, natigil ang maano­malyang kontrata na pinasok ng ilang tiwaling opisyal at pribadong indibidwal -- isang rason kung bakit nanumbalik ang tiwala ng publiko.

***

Napag-usapan ang SONA, dapat suportahan ng Kongreso ang kahilingan ni PNoy para sa karagdagang pondo ng palalawaking Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan puntiryang matulungan ang tatlong (3) mil­yong mahihirap.

Malaki ang naitulong sa mga mahihirap kaya’t kaila­ngan talagang ipagpatuloy ng pamahalaan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naglalayong gawing tatlong (3) milyon ang mabibiyayaan ng tulong sa 2012.

Naniniwala ang inyong lingkod sa katalinuhan ng programang ito ng Pangulo na kumbinsidong maipatutupad ng maayos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaloob ng ayuda sa mga mahihirap, sa ilalim ng Conditional Cash Transfer (CCT) program.

‘Ika nga ng mga kurimaw, kung wala namang maibibigay na anumang alternatibo ang mga kritiko, aba’y, suportahan na lamang ang programa na direkta at agarang makakapagbigay ng tulong sa mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)




No comments: