Saludo sa Dragon! | |
Tama ang panawagan ng MalacaƱang na magbigay ng patuloy na suporta sa Philippine Dragon Boat Team na nag-uwi ng karangalan sa bansa matapos manalo ng limang ginto at dalawang pilak sa International Dragon Boat World Championships sa Tampa, Florida.
Pinuri ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang grupong nakapagtala ng bagong world record. Mantakin n’yo, tinalo sa world title ang mga bigating kalahok, katulad ng Australia at Hungary. Sa kaalaman ng publiko, kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang karamihan sa 12-kasapi ng Philippine Dragon Boat Team.
Importanteng magtulungan ang pamahalaan at mga pribadong sektor para masuportahan ang mga laban ng Philippine Dragon Boat Team. Aminin o hindi ng mga sports analyst, sampu ng mga “pulitiko” sa Philippine Sports, hindi kakayaning mag-isa ng gobyerno ang gastos sa lahat ng mga atletang sumasabak sa international competition kung walang suporta ang private sector -- hindi makukuha sa dasal ang panalo.
Sa kabila ng samu’t saring intriga, malinaw ang suporta at pakilala ni PNoy sa tagumpay ng Philippine Dragon Boat Team -- isang heroes’ welcome ang ipagkakaloob ngayong ala-una ng hapon at isasagawa sa Heroes Hall, patunay ang kawalang interes ng Pangulo sa “pamumulitika” ng ilang sports officials dahil mas mahalaga kung sino ang nakapagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.
Anyway, nakakatuwang marinig din ang suporta ni PNoy sa pagpapabuti pa ng industriya ng business process outsourcing (BPO) upang lalong makalikha ng mas maraming trabaho. At bilang konkretong hakbang, inatasan ni PNoy ang mga ahensiyang may kinalaman sa edukasyon at paglinang ng kakayahan na tutukan ang mga kailangang trabaho sa BPO.
Ibig sabihin, sasanayin ang mga magsisipagtapos base sa mga trabahong kakailanganin sa halip na magkaroon ng graduates para sa industriyang hindi naman nangangailangan ng trabaho, as in mas maganda ngayon ang tsansa ng mga magsisipagtapos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon -- isang pagtutuwid sa maling nakasanayan sa mahabang panahon.
***
Napag-usapan ang nakaraan, dapat suportahan ng publiko ang kampanya ni PNoy laban sa maanomalyang mga transaksiyon na inaprubahan ng nakalipas na administrasyon na kontra sa interes ng publiko. Kaya’t tama ang panawagan ni PNoy na kanselahin ang 66-kontrata para sa konstruksiyon ng roll-on roll-off (Ro-Ro) ports na hindi naman kailangan.
Lumabas sa pag-aaral na anim lamang sa kabuuang 72 Ro-Ro projects na inaprubahan ng nakaraang administrasyon ang talagang kailangan ng mga Pilipino. Take note: gagastos din ng karagdagang pondo ang pamahalaan sa pagkumpuni ng mga itatayong pier sakaling masira ang mga ito.
Kung hindi natuklasan ang problema, tinatayang P15 bilyon ang posibleng masayang para sa mga proyektong hindi naman kailangan -- ito’y nangangahulugang karagdagang pondo na magagamit para sa pagkakaloob ng serbisyo sa naghihirap.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment