Sa totoo lang! | |
Hindi ba’t kapuri-puri ang sinseridad ng administrasyong Aquino sa pagresolba ng ilang dekadang armadong pakikibaka ng mga komunista at iba pang rebeldeng grupo, aba’y isang taon pa lamang sa kapangyarihan, nakumbinse ng gobyerno ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) na lumagda sa pinal na usapang-pangkapayapaan. Take note: siyam (9) na buwan lamang ang pag-uusap.
Mula sa pagiging kalaban, katuwang na ngayon ng pamahalaan ang CPLA sa pagsulong ng kapayapaan at progreso sa Northern Luzon. At maganda rin naman ang resulta ng mga negosasyon sa mga komunista at rebeldeng Muslim.
Base sa ulat ng Department of National Defense (DND), bumaba ang bilang ng mga insidente ng paglusob na isinasagawa ng New People’s Army (NPA) dahil sa isinusulong na usapang-pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sa parehong ulat, bumaba rin ang bilang ng mga pag-atake ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula 97 sa unang semestre ng 2010 tungong 42 sa parehong panahon ngayong taon. Kitang-kita naman ang masigasig na pagpupursige ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagkakaroon ng wagas na kapayapaan sa ating bansa.
***
Anyway, walang katotohanan ang alegasyong pinababayaan ng administrasyong Aquino ang problema sa extra-judicial killings (EJKs).
Sa katunayan, maigting ang pagpupursige ng gobyerno sa pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima sa pamamagitan ng pagtatag sa espesyal na Task Force na rerebyu at magpapabilis sa imbestigasyon at resolusyon ng mga kaso -- ito’y bahagi ng pagtupad sa pangako nitong tapusin ang karahasan sa bansa.
Simula nang ito’y itatag, sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre 2010, umabot sa kabuuang 187 kaso ng EJKs ang narebyu ng Special Task Force on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances.
Kasalukuyang hinahawakan nito ang 69 kaso kung saan 63 dito ang naisampa na sa korte habang preliminary investigation naman ang nalalabing anim (6). Base sa DOJ, merong 178 napaulat na kaso ng hindi maipaliwanag na pagpatay bago pumasok ang administrasyong Aquino.
Mula Hulyo 1, 2010 hanggang Mayo 31, 2011, umabot sa kabuuang 15 kaso ng EJKs ang naitala.
Sa nasabing bilang, naisampa ang mga kaso laban sa mga salarin sa walong (8) insidente ng EJKs habang pito (7) ang iniimbestigahan ng Task Force. Habang hinahawakan naman ng Task Force Usig ng Philippine National Police (PNP) ang 162 kaso -- ito ang inatasang magrebyu sa mga kaso, simula noong 2001.
Nabatid na 102 kaso dito ang naisampa na sa korte at 59 naman ang sumasailalim sa imbestigasyon at isang kaso ang ikinokonsiderang sarado na. Ibig sabihin, hindi nagpabaya si PNoy, sa pangunguna ng kapulisan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment