Reporma sa Mindanao! | |
Hindi ba’t kapuri-puri ang pagbuwag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Presidential Task Force on Mindanao River Basin Rehabilitation and Development (PTFMRBRD) na nakabase sa Cotabato City, aba’y nagkakaroon ng duplication, as in ginagawa ng ibang ahensiya ang kanilang trabaho.
Ipinakita ni PNoy ang matalinong paggugol sa pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng isinasagawang “streamlining”. Ibig sabihin, bawas-gastos at wala nang pakuya-kuyakoy sa kanilang opisina, katulad ng nakaugaliang maghintay ng kinsenas at katapusan para kumubra ng suweldo o kaya’y lingguhang allowances.
Nilagdaan ni PNoy ang Executive Order (EO) No. 50 nakaraang Hulyo 28, 2011 na naglilipat ng obligasyon at trabaho ng Task Force sa Mindanao Development Authority (MinDA), River Basin Control Office (RBCO) of the Department of Environment and Natural Resources (DENR), at National Disaster Risk Reduction Management Council-Office of Civil Defense (NDRRMC-OCD).
Nilikha ang PTFMRBRD noong 2008 para gumawa ng master plan sa pangmatagalang solusyon kaugnay sa matinding pagbaha sa Mindanao at direktang nag-uulat sa Office of the President.
Take note: hindi ba’t “nagngawngaw” pa sa national television ang isang alkalde sa Mindanao kesyo walang tulong ang pamahalaan sa nagsulputang water lily gayong sa mahabang panahon, ito’y walang ginawa para ilayo sa baha ang mga nasasakupan?
Tama ang desisyon ni PNoy na buwagin na ang PTFMRBRD dahil ginagaya lamang nito ang trabaho ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan. Sa ganitong sistema, hindi na makakapagturo ang mga “reklamador” na local officials, partikular ang mga mahihilig gumawa ng pera o pinagkakakitaan ang kalamidad sa kanilang lugar.
***
Napag-usapan ang Mindanao, dapat ibigay ng mga residente ang buong suporta sa administrasyong Aquino laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) matapos masawi ang pitong sundalo sa Sulu nakaraang linggo.
Nakakalungkot at kasuklam-suklam ang nangyari subalit nakakatuwa pa ring marinig sa Pangulo ang pagtulong sa mga naulila ng mga sundalong nasawi na siyang tunay na mga bayani.
Bagama’t mangangailangan ng panahon, magiging positibo ang resulta ng kampanya laban sa terorismo kung merong kooperasyon ang mga residente sa programa ng pamahalaan para agarang maiharap sa hustisya ang mga terorista.
Bilang mga taong nagmamahal sa kapayapaan at mayroong takot sa Diyos, dapat nating kondenahin ang kawalanghiyaan ng mga bandido na naglalagay sa alanganin sa usapang-pangkapayapaan, kaunlaran sa buong bansa at iba pang positibong bagay.
Hindi lang ‘yan, pinanindigan ni PNoy ang pagreporma sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan isasabay ang halalan dito sa mid-term 2013 election -- ito’y isang konkretong hakbang ng reporma, pinaka-latest ang pagtalaga ng mga personalidad na lalahok sa screening committee na magrerekomenda sa Pangulo ng uupong OICs (officers-in-charge) para pansamantalang mamuno sa ARMM.
Malinaw na kinokonsulta ng pamahalaan ang publiko sa mga itatalagang mga opisyal sa ARMM na bahagi ng demokrasya at transparency na itinataguyod ng gobyerno.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment