Biyaheng PNoy! | |
BEIJING, China --- Hindi maikakaila ang magarbong paghahanda ni Chinese President Hu Jintao sa pagbisita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- ito’y bakas sa mga malalaking pulong sa iba’t ibang sektor, mapa-investors at kultura, maging sa overseas Filipino workers (OFWs).
Ngayon at sa hinaharap, parehong may pakinabang ang dalawang bansa kung ipagpapatuloy ang mga inisyatibong magpapayabong sa kasalukuyang ugnayan, as in taghiyawat lamang na maituturing ang mga isyung pangdiplomatiko na kinasasangkutan kung titingnan ang mukha ng mabungang pakikipagkaibigan sa isa’t isa, mapanegosyo at kultura na opisyal na sinimulan noong June 9, 1975.
Hindi malikmata o typographical error ang inyong nabasa -- taong 1975 lamang nagsimula ang opisyal na relasyong diplomatiko ng Pilipinas sa Tsina subalit napakalayo ng narating ng pagkakaibigan. Malapit man sa ating mga dalampasigan ang teritoryo ng mga Tsino, marami mang kalahi ni Ma Mon Luk ang nauna nang umapak sa teritoryo ng Lahing Kayumanggi -- mas nauna pang opisyal na nagsimula ang diplomatic relations ng Pilipinas sa France, India, Israel at Mexico kesa Tsina.
Kasama ang piling miyembro ng gabinete at humigit-kumulang 300 negosyanteng Pinoy, tinahak ni PNoy ang tuwid na landas patungong Tsina at sasalubungin ang Pangulo ni Assistant Foreign Minister Liu Zhenmin, Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchao, Deputy Director-General of Protocol Department Xie Bohua (Ministry of Foreign Affairs) at mga opisyal ng Philippine Embassy sa Beijing.
Diretso si PNoy sa Diaoyutai State Guesthouse na magsisilbing tirahan sa buong linggo. Unang iskedyul ni PNoy ang isang pagtitipon na inihanda para sa kanya ng mga negosyanteng Tsino sa China World Hotel, kasama ang mga opisyal ng Energy World, State Grid of China, China Trend, China Investment Corporation, China Petroleum at ang mga Pinoy na mamumuhunan sa larangan ng imprastraktura, enerhiya at pangangalakal.
Kasunod nito, ang pulong kasama ang Vice Premier ng Tsina -- si Wang Qishan. Susundan ng pulong ang talumpati ni PNoy sa mga delegado ng Philippines-China Economic Trade Forum at babalik sa Diaoyutai State Guesthouse upang harapin sa isang talakayan, sa pagitan ng mga political analyst ng CCTV media.
***
Napag-usapan ang China trip, opisyal ding sasalubungin si PNoy sa Great Hall of the People ni Chinese President Hu Jintao na susundan ng isang bilateral meeting ng dalawang lider at personal na sasaksihan ang paglagda sa mga kasunduan sa larangan ng kalakalan, ekonomiya at technical cooperation, sa industriya ng pamamahayag, sports, kultura at impormasyon.
Sa gabi, babalik si PNoy sa Tiananmen Square upang dumalo sa State Banquet na inihanda para sa kanya ni President Hu Jintao. At pangungunahan din ng Pangulo, kasama ang piling myembro ng Gabinete ang pakikisalamuha sa mga Pinoy na nasa Beijing upang tiyaking maayos ang kanilang kondisyon sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan.
Sa kaalaman ng publiko, humigit-kumulang tatlong libo ang mga kababayan natin sa Beijing na nagtatrabaho’t naninirahan, katulad ng kapatid natin sa pamamahayag na si Ericson Baculinao ng ABC News at marami pang Pinoy na nagpupunyagi sa iba’t ibang larangan. Dito rin ihahayag ng Pangulo ang mga positibong hakbang sa tuwid na landas na nasimulan ng administrasyon sa pamamahala.
Higit sa lahat, dito rin sa Beijing mangyayari ang inaabangang pakikipagpulong ng Pangulo sa iba’t ibang grupo ng investors gaya ng mga opisyal ng Lee World, China ASEAN Fund, Dong Feng at Shandong Sanli Tires. Labas pa rito ang hiwalay na business forum na inihanda ng mga Filipino business leaders at ang kanilang counterparts sa China.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment