Samantalahin habang mainit! | |
Dapat samantalahin ng publiko lalung-lalo na ang mga anak ng magsasaka ang oportunidad sa “scholarship grants” na inaalok ng administrasyong Aquino para sa pagkuha ng kursong agrikultural sa mga kolehiyo at ibang eskuwelahan -- ito’y isang bihirang pagkakataong ipinagkakaloob ng gobyerno na hindi napag-isipan sa mahabang panahon.
Maganda ang layunin ng programa ni Pangulong Noynoy Aquino, partikular ang pagtiyak sa kahalagahan na linangin ang kaalaman ng mga kabataan sa usapin ng agrikultura kung saan maganda ang hinaharap dito.
Positibo ang panawagan ni PNoy sa mga magsasaka na pag-aralin ang kanilang mga anak sa mga kolehiyo at eskuwelahang nagsusulong ng kursong agrikultural para makakuha ng scholarship program.
Kaya’t suportahan ang programa ng pamahalaan para matulungan ang mga magsasaka sa pagpapalakas ng kanilang ani at pamamaraan sa pagkakaloob ng suporta ng gobyerno.
Tama ang pamahalaan sa paggiit ng pangangailangan na sumailalim ang mga magsasaka sa pest management, promosyon ng paggamit ng organic farming at iba pang serbisyo para sa sustainable management ng kanilang mga tanim at alagang mga hayop.
Isang patunay kung gaano kaseryoso ang pamahalaan sa pagpapalakas ng agrikultura -- ang pagkakaloob ni PNoy kay Aklan Gov. Carlito Marquez ng certificates of award nakaraang Hulyo 12 -- ito’y nagkakahalaga ng P26 milyon bilang alokasyon sa iba’t ibang proyektong agrikultural sa lalawigan.
Kabilang dito, ang micro-income generating projects, rice program, tramline at pitong proyektong irigasyon, livelihood assistance, high-value crops development, rehabilitation ng bio-fertilizer facility at organic vegetable production.
Hindi lang ‘yan, tinatrabaho rin ng Cabinet cluster on Climate Change ang mga bagay na maaaring makabawas sa epekto ng lumalalang global climate change na maaaring makasira sa agricultural productivity ng bansa. Bigyan natin ng pagkilala ang matagumpay na hakbang ng pamahalaan na ibaba ang polusyon sa hangin at tubig at matigil ang ilegal na pamumutol ng mga puno na ugat sa matinding pagbaha.
***
Napag-usapan ang “good news”, tayo’y humahanga sa paninindigan ni PNoy na tapusin ang problema ng human trafficking sa Pilipinas at makatwirang suportahan ang kanyang posisyong -- hindi dapat nabibiktima ng human traffickers ang mga taong naghahangad lamang ng magandang kinabukasan sa ibang bansa.
Magandang senyales ang pagkilala ng Pangulo sa mga grupo at indibidwal na lumalaban kontra sa trafficking kung saan iprinisinta nito ang Presidential Citation kay Zamboanga City Assistant City Prosecutor Darlene Pajarito na kinilala rin kamakailan ng US State Department sa parangal na Global Trafficking in Persons Heroes for 2011.
Nakatanggap si Pajarito ng presidential citation dahil sa kanyang pinakamaraming kasong matagumpay na naisulong sa korte na nagresulta sa conviction ng mga akusadong sangkot sa human trafficking.
Umabot din sa 12 organisasyon at indibidwal ang binigyan ng Pangulo ng special citations dahil sa kanilang mga programa kontra sa human trafficking sa bansa.
Sa katunayan, nagresulta ang koordinasyon ng pamahalaan at mga organisasyon sa pagkakaalis ng bansa mula Tier 2 Watchlist ng the 2011 Trafficking in Persons Report na inilabas ng pamahalaan ng Estados Unidos (US) noong nakalipas na buwan.
Dito kinilala ang malaking kontribusyon ng bansa para sugpuin ang problema sa human trafficking, kabilang ang halos 200 porsiyentong pagtaas sa convictions ng traffickers.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment