Friday, August 26, 2011

Nakakatuwa’t nakakalungkot!REY MARFIL

Determinado si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dalhin sa progreso ang bansa, patunay ang karagdagang 13 panukalang batas na kasama sa prayoridad nito sa ikalawang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang anim sa naunang tinukoy ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nakaraang Hulyo 25.

Kabilang sa 13 panukalang batas ang sapat na proteksiyon para sa mga kasambahay, pagpapalawig ng scholarship sa siyensiya at teknolohiya, amyenda sa Rural Electrification Law, sin tax, amyenda sa Human Security Act at Data Privacy Act at Responsible Parenthood (RP).

Kasama rin sa mga panukala ni PNoy ang expanded consumer protection, reorganization ng statistical system ng bansa, amyenda sa batas sa PTV-4, probisyon sa limitasyon ng partikular na kagubatan at public domain, mabigat na parusa sa pagnanakaw at pagbabago sa government risk reduction at preparedness equipment, at amyenda sa Lina Law o Urban Development Housing Act of 1992.

Sa 22 panukalang ito, tatlo ang ganap nang batas, kinabibilangan ng GOCC Governance Act of 2011 o Republic Act No. 10149, Rationalizing the Night Work Prohibition on Women Workers o Republic Act No. 10151 at Resetting and Synchronizing the ARMM Elections with the National and Local Elections in 2013 o Republic Act No. 10153.

Umaasa ang inyong lingkod, sampu ng naglipanang kurimaw sa Kongreso na agarang maipapasa ang P1.816-trilyong 2011 national budget upang magtuluy-tuloy ang pagsusulong ng kaunlaran. Take note: Nais ni PNoy na maipasa ang priority measures na isinumite sa unang LEDAC.

***

Napag-usapan ang kaunlaran, nakakatuwa at nakakalungkot isipin ang ilang kaganapan sa usapang pangkapayapaan, partikular ang pagtabla sa proposal ng pamahalaan at bakbakan ng magkalabang paksyon sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) lalo pa’t seryoso si PNoy sa adhikaing ipagkaloob ang tunay na kapaya­paan at kaunlaran sa Mindanao.

Sa kabilang banda, nakakatuwang mayorya ng mga Pilipino ang sumusuporta sa usapang pangkapayapaan na isinusulong ng pamahalaan sa MILF.

Base sa survery ng Social Weather Station (SWS), may petsang Hunyo 3 hangang 6, malinaw ang ebidensiya na 83% ng mga Pilipino ang naniniwalang malakas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF.

Isang positibong indikasyon na naniniwala ang mala­king bilang ng mga Pilipino sa isinusulong na mga polisiya ni PNoy para makamit ang kapayapaan sa Mindanao at magkaroon ng pantay-pantay na hustisya sa mga Moros, Kristiyano o Lumads.

Lumabas na “hopeful” ang 83% ng mga Pilipino na matutuloy ang peace agreement sa MILF kung saan 38% ang “very hopeful” at 45% ang “somewhat hopeful”.

Tanging 17% ng mga Filipino ang hindi “hopeful”, at 8% ang “somewhat not hopeful” at 9% ang “not hopeful at all”. Kahit itanong n’yo pa kay birthday boy at Media Relations Director Paolo Espiritu!

Kaya’t sayang kung mauuwi lamang sa “wala” ang pagpapakahirap ng mga nakaupo sa negotiating table lalo pa’t mismong si PNoy -- ito’y bumiyahe ng Tokyo, Japan nakaraang Agosto 4 upang nakipagkita kay MILF chairman Al Haj Murad Ibrahim para ipakita ang sinseridad ng pamahalaan sa peace talks.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: