Monday, August 15, 2011

Nakakalason!
REY MARFIL

Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang determinadong aksiyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pagkalooban ang mga Pilipino ng malinis na kapaligiran sa pamamagitan ng isang pambansang programa na magbabawas sa nakalalasong carbon sa sektor ng transportasyon?

Sa pakikipagtulungan sa Asian Development Bank (ADB), ipinapatupad ng pamahalaan ang National Electric Vehicle Strategy (NEVS) para maisulong ang paggamit ng alternatibong gasolina sa mga sasakyan. Nanguna ang ­Mandaluyong City sa mga lokal na pamahalaan sa pagtanggap at paggamit ng 20 electric tricycles (or e-tricycles) para masubukan ang mga ito.

Sa kaalaman ng publiko, makakatipid ang mga tsuper ng e-tricycles mula sa salaping dapat sanang ipambili ng tradisyunal na gasolina at makakabawas din sa lason na ibinubuga sa kapaligiran.

Take note: Nangako rin ang ADB ng $500 milyong suporta para sa e-tricycle project. Kaya’t mas makakabuting itikom ng mga kritiko ang kanilang bibig kesa makadagdag sa “noise pollution” lalo pa’t nakakalason ng isipan ang maniwala sa kasinungalingan.

Isinusulong din ng pamahalaan ang Fueling Sustainable Transport Program (FSTP) upang magamit ng mga pampubliko at pribadong sasakyan sa pamamagitan ng alternatibong gasolina. Sa dulo nito, inaasahan ng pamahalaan na mababawasan ng 30% sa 2020 ang mga sasakyan na gumagamit ng gasolina at diesel.

Hindi lang ‘yan, makatwirang papurihan si PNoy sa ma­laking nagawa nito para makamit ang matatag at tuluy-­tuloy na suplay ng enerhiya sa Visayas -- ito’y isa sa maraming magagandang ginagawa ni ‘ES Almendras’, as in Energy Secretary Jose Almendras.

Sa report ng Department of Energy (DOE), labis na maliit noon ang suplay ng kuryente kumpara sa pangangailangan ng Visayas sa ilalim ng nakalipas na pamahalaan -- ito ang malaking dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagkawala ng kuryente na nakaapekto sa negosyo sa rehiyon.

Bago nakakuha ng serbisyo ng bagong mga planta ng kuryente ang administrasyon ni PNoy, umaabot lamang sa 1,043 megawatts (MW) ang power supply capability ng Visayas kumpara sa pangangailangan na 1,164 MW. Pero dahil sa tatlong bagong power plants, tumaas ang nakuhang suplay ng kuryente sa Visayas sa 610 MW o surplus ng kur­yente na umaabot sa 600MW.

Bunsod ito ng kuryente na nagmula sa mga planta katulad ng 246 MW coal-fired power plant ng Cebu Energy Development Corporation (CEDC), 164 MW clean coal-fired power plant ng Panay Energy Development Corporation (PEDC), at 200 MW coal-fired power plant ng KEPCO Salcon Power Corporation. Higit sa lahat, naibaba rin ng DOE ang singil sa kur­yente sa tulong ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ipinapakita ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa paghahanap ng sapat at maaasahang suplay ng kuryente.

***

Napag-usapan ang aksyon, hindi rin matatawaran ang pagkakaloob ng tulong ng administrasyong Aquino sa libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng krisis pulitikal at sa natural na kalamidad sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa lahat ng mga lugar, aktibo ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtulong ng OFWs sa pamamagitan ng pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas, consular missions at Assistance to Nationals (ATN) fund -- ito’y konkretong patotoo sa seryosong pagtulong at pagtutok ni PNoy sa nangangailangang OFWs na katuwang ng bansa sa pagpapanatili ng masiglang ekonomiya.

Sa kasagsagan ng krisis sa Gitnang Silangan, lindol sa New Zealand at nuclear disaster sa Japan, naibigay ng pamahalaan ang mahigit P281 milyon sa pamamagitan ng ATN fund para sa mga naipit na OFWs.

Take note: Kinargo rin ng pamahalaan ang pagkain, gastos sa papeles at pagpapa­balik ng kabuuang 10,369 OFWs mula sa mga bansang nagkaroon ng kaguluhan mula ­Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: