Sa tama lang!
| |
Aminin o hindi ng mga kritiko, kapuri-puri ang malakas na political will ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na isulong ang kontrobersiyal na reproductive health (RH) o responsible parenthood (RP) bill na naglalayong bawasan ang kahirapan sa bansa, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga Pilipino ng tamang pagpapamilya.
Sa kabila ito ng pag-alis ni PNoy ng ilang mga probisyong hindi naman kailangan. Kabilang sa mga tinanggal na detalye ang probisyon sa paglimita ng bilang ng mga anak sa dalawa at pagbabago ng edad para maituro ang sex education sa mga bata at iba pa.
Maganda ang ginagawa ni PNoy para mapagbigyan ang kahilingan ng mga kritiko at ilang pumapalag sa panukalang batas.
Hindi lang ‘yan, tama si PNoy pagsasabing dapat mapunta ang karagdagang kokolektahing buwis sa sin products para tustusan ang gastusin sa universal health care program.
Habang inaasahan ng pamahalaan ang P60 bilyong buwis sa sigarilyo at alak, plano rin ng panukala na mabawasan ang pagsuporta ng mga Pilipino sa mga bisyong ito. Ika nga, mas mabuting mapunta ang karagdagang buwis sa sin taxes para sa pagtiyak ng kalusugan ng mga Filipino.
Kinikilala ni PNoy ang malaking benepisyo sa ekonomiya ng karagdagang buwis sa sin taxes habang nahaharap sa paghina ng ekonomiya ang Estados Unidos (US) at Europe.
At ipinakita rin ni PNoy ang kanyang kooperasyon at pakikiisa sa mga kapatid nating Muslim sa paglalabas ng Proclamation No. 234 na nagdedeklara sa Agosto 30, 2011 bilang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Fitr o Feast of Ramadhan -- ito’y inilabas, alinsunod sa Republic Act (RA) No. 9177 na nagdedeklara sa Eid’l Fitr bilang regular holiday sa Pilipinas.
Ginugunita ang Eid’l Fitr ng mga Muslim sa buong mundo tatlong araw matapos ang buwan ng pag-aayuno. Isinusulong nito ang promosyon ng cultural understanding sa mga Filipino na nangangailangan ng oportunidad.
Importanteng madala sa pambansang kamalayan ang religious at cultural significance ng Eid’l Fitr. Sa buwan ng Ramadan, nag-aayuno ang mga Muslims sa loob ng 12-oras araw-araw mula sa pagsikat ng araw hanggang gabi.
***
Napag-usapan ang mga kritiko, nakakalungkot ang pang-iintriga kay PNoy sa hindi pagkakasama ng Freedom of Information (FOI) bill sa mga panukalang batas na kabilang sa prayoridad sa ikalawang Legislative, Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Walang duda at malinaw na nais ni PNoy na palakasin ang transparency at labanan ang katiwalian sa pamahalaan. Inaprubahan naman sa prinsipyo ng Pangulo ang pagpasa ng FOI bill at kailangan lamang maresolba ang ilang usapin na sa tingin nito ay dapat munang pag-aralang mabuti.
Nais ni PNoy na likhain ang independent Information Commission na mayroong badyet at quasi-judicial functions katulad ng pagkakaroon ng kapangyarihan na maglabas ng subpoena. Magsisilbing tagapamagitan ang komisyon sa pamahalaan at anumang partido na mayroong tanong sa pagpapatupad ng panukala.
Umaabot sa 13 FOI bills ang pinag-aaralan nang husto na kinabibilangan ng mga ipinatupad sa United States, Canada, United Kingdom, Australia, at South Africa kung saan kabilang din ang exemption sa classified information at dokumento na krusyal sa pambansang seguridad.
Nais ng panukalang FOI na tugunan ang probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay garantiya sa karapatan ng mga tao na magkaroon ng impormasyon at dokumento na nasa posisyon ng mga pampublikong opisyal at mga tanggapan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment