Malinaw ang ebidensiya, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagiging lider ng bansa at pinakamataas na sensiridad para mapabilis ang pagkamit ng tunay na kapayapaan matapos ang sikretong pakikipagkita kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chair Al Haj Murad Ibrahim sa Tokyo, Japan.
Hindi nakakapagtaka ang kaliwa’t kanang papuring inaani ngayon ni PNoy mula sa iba’t ibang grupo matapos bigyan ng panibagong pag-asa na maghari ang kapayapaan sa Mindanao. Hayaan natin ang magandang istilo ng pakikipag-usap ni PNoy sa MILF. Sa dulo, naniniwala akong walang magaganap na under the table na pag-uusap at hindi na mangyayari ang kontrobersiya ng MOA-AD.
Magaganap ang usapang-pangkapayapaan nang mayroong transparency. Umaasa akong mapapabilis ang progreso ng mapayapaang pag-uusap para makamit ang wagas na kapayapaan sa ating mga kapatid na Muslim. Kapuri-puri ka, Pangulo. Mismong si dating Pangulong Fidel Ramos ang nagsabing “hayaan at huwag pangunahan sa kanyang diskarte si PNoy”.
Hindi lang ‘yan, dapat puruhin natin ang malakas na pinansiyal na posisyon ng administrasyong Aquino dahil sa matalinong paggugol nito -- isang patunay ang naitalang maliit na budget deficit o kakapusan sa pondo na P17.231 bilyon mula sa ceiling na P152.128 bilyon sa unang anim na buwan ng taon. Kahit itanong n’yo pa kay Finance Sec. Cesar V. Purisima.
Dahil ito ay mas epektibong paniningil ng buwis ng pamahalaan kung saan tumataas ang nakokolektang buwis nang hindi nagkakaroon ng bagong batas sa pagbubuwis at pagbasura sa maling paggasta ng pampublikong pondo. Take note: umabot sa P681.640 bilyon mula Enero hanggang Hunyo ng 2011 ang tax collection, as in mas mataas ng 15.12% kumpara sa parehong panahon noong 2010 -- ito’y resulta sa magandang ipinapakita ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Treasury (BTr).
Maganda rin ang resulta ng programa ng BIR -- ang Run After Tax Evaders (RATE) na nasa likod ng pagsasampa ng mga reklamo sa coffee concessionaire dahil sa kabiguan na magbayad ng P59 milyong buwis sa kabila ng kanilang malaking kinita at tunay na maganda ang tinatahak ng matuwid na daan ni PNoy, nangangahulugang mas maraming serbisyo sa publiko ang mga pondong natitipid mula sa maling paggugol at tamang koleksiyon sa buwis.
***
Napag-usapan ang pondo, matindi ang paninindigan ng pamahalaan na maramdaman ang kaunlaran sa buong bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa Payapa at Masaganang Pamayanan or Peaceful and Resilient Communities o Pamana, isang programa ng pamahalaan tungo sa kapayapaan at kaunlaran.
Sa katunayan, naglaan ang administrasyong Aquino ng P2 bilyon para sa kapayapaan at kaunlaran sa ilalim ng P1.816-trillion General Appropriations Act (GAA) 2012. Bukod sa pondo para sa PAMANA, makakakuha rin ang Government Peace Negotiating Panel ng P100 milyon para sa pakikipag-usap sa MILF at National Democratic Front (NDF).
Layunin ng PAMANA na makabuo ng mga programa para matulungan ang mga komunidad na apektado ng rebelyon at ilapit ang pamahalaan sa mga tao sa pamamagitan ng agresibong pagkakaloob ng pangunahing mga serbisyo para sa potensiyal na kabuhayan ng mga tao.
Target ng PAMANA na makabuo ng mapayapang komunidad sa 1,921 na malalayong mga barangay na apektado ng kaguluhan sa 171 munisipalidad na nasa 34 na mga lalawigan sa buong bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment