Friday, August 19, 2011

Tunay at makatwiranREY MARFIL

Tunay na tinatrabaho nang husto ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagkakaroon ng wagas na kapayapaan sa buong bansa, isang patotoo ang kanyang pakikipagpulong sa lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Japan at paglagda sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Cordillera People’s Liberation Army.

Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, ipinakita ng administrasyong Aquino ang kanilang lakas at obligasyon na resolbahin ang anumang kaguluhan na siyang dahilan ng patuloy na paghihirap ng maraming mga Pilipino.

Mismong si dating peace adviser Jesus Dureza kinilala ang magandang hakbang ng pamahalaan at MILF alang-alang sa kapayapaan. At positibong kinilala rin ang pulong nina Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casiño at Cotabato City Vice Mayor Muslimin Sema, chair ng isang paksiyon ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Maraming iba pa ang nagpahayag ng pag-asa na matatapos na ang mga armadong pakikibaka sa tulong ng “political masterstroke” ng Pangulo, maliban sa ilang kritiko na walang inatupag kundi “magkiyaw-kiyaw” upang mabigyan ng soundbite sa 6 o’clock news.

Anyway, tama ang posisyon ni PNoy na dapat magkaroon ng pagrebyu ang kinauukulang mga opisyal ng Cultural Center of the Philippines (CCP) kaugnay sa mga polisiya nito matapos ang pagpapatigil sa kontrobersiyal na art exhibit na “Kulo”.

Magaling ang pahayag ni PNoy na walang “absolute freedom” sa bansa dahil tayo ay ginagabayan ng umiiral na mga batas. Ipinatigil ng CCP ang “Kulo” exhibit na nagtatampok ng iskandalosong religious images ni Hesukristo at iba pang religious icons matapos magpalagan ang iba’t ibang sektor sa exhibit hanggang bantaan na kakasuhan ang CCP Board members.

Sinuportahan ng Pangulo ang pagsasara ng exhibit lalo na at talagang hindi niya nagustuhan ito. Nakakalungkot lamang dahil hindi man lamang kinonsulta ng CCP ang Pangulo sa kontrobersiyal na art exhibit nang ilabas ang “Kulo”.

***

Mapag-usapan ang “good news”, binabati natin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ipinatupad nitong reporma sa sektor ng paggawa na nagresulta upang isang welga lamang ang maitala sa unang pitong buwan ng 2011 na malayo sa walong pag-aaklas na nangyari sa parehong mga buwan noong 2010.

Responsable rito ang mapayapang pamamaraan na ipinapatupad ng pamahalaan sa pagresolba ng mga problema sa paggawa na malaking bagay upang tumaas ang tiwala ng mga pamumuhunan na maglagak ng kapital upang makalikha ng karagdagang pondo.

Sa report ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB), nangyari ang kaisa-isang welga sa unang pitong buwan ng taon noong nakalipas na Enero nang mag-aklas ang union ng Supreme Steel Corporation sa Region 3 (Central Luzon) dahil sa umano’y hindi parehas na labor practice lalung-lalo na ang hindi pagpapatupad ng collective bargaining agreement (CBA) sa pamunuan.

Kung magpapatuloy ang magandang relasyon sa sektor ng paggawa, makikilala ang 2011 bilang pinakamapayapang taon sa kasaysayan ng industriya na kabaligtaran sa mga nangyari sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

Ang isa pang magandang balita, umabot sa 119 notices of strikes ang agarang naresolba na kinakatawan ng 121,008 manggagawa sa parehong panahon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: