Kapartner! | |
SHANGHAI --- Bago umalis ng Beijing ang delegasyon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, ito’y nakipagkita kina Chairman Wu Bangguo ng Standing Committee of the National People’s Congress at Premier Wen Jiabao.
Bitbit ang mayamang kasaysayan sa kultura, negosyo’t kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at ng Tsina, mistulang rickshaw driver si PNoy na hila-hila ang mga pambansang karanasang ito upang itulak ang patuloy na kalinangan ng kanya-kanyang bansa sa loob ng diplomatikong pakikipagkaibigan.
Limang araw ang bubunuin ni PNoy upang isulong ang interes ng bansa at buksan ang daang matuwid na landas ng kalakalan sa ikatlo sa pinakamalaking “trading partner” ng Pilipinas sa buong mundo at isa sa pinakamalaking merkado ng mga produktong nagmumula sa Pilipinas.
Iisa lamang ang maaaring patutunguhan ng isang agresibong pakikitungo ng Pilipinas sa Tsina sa larangan ng kalakalan at kultura na kakapalooban ng pag-iwas sa taghiyawat ng masalimuot na tagisang dala ng isyu sa Spratlys at Scarborough Shoals upang lalo pang paglapitin ang dalawang bansa sa pamamagitan ng paglinang sa masiglang mukha ng ugnayang diplomatiko.
Puyat man sa kaliwa’t kanang pi–ging at pulong, siguradong kaabang-abang ang baong dalang good news ng Pangulo sa susunod na linggo.
***
Napag-usapan ang China trip, hindi man hingin ni PNoy, ramdam ang suportang pabaon sa kanya ng higit na nakararami sa ating mga kababayan habang ito’y nakikipagkita sa mtataas na pinuno ng China. Ito ang katotohanan sa gitna ng mga kinakaharap na isyu-diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa.
Nakakataba ng puso ang mga pahayag ng mga kababayan natin bago pa man tumulak papuntang Beijing upang susugan ang misyon ni PNoy sa ating karatig-bayang tinuturing na ngayong isang global economic power.
Hindi lamang ito isang mainam na batayan ng isang mamamayang umaangat ang pambansang kamalayan -- ito’y senyales sa tiwalang handog ng mga kababayan nating positibo ang tingin sa pamahalaang hayag ang bawat hakbang upang paunlarin ang pangsosyal at pang-ekonomikong kalagayan ng lahat.
Higit sa lahat, batid ni PNoy ang pagkauhaw ng bayan sa mga pasalubong na milyun-milyong bagong investment at pagpasok ng negosyong nagpapabilis ng pag-inog ng ekonomiya ng bansa tuwing ito’y bumabalik mula sa isang matagumpay na biyahe sa ibayong dagat.
Sa Beijing, napansin natin ang kakaibang mood ng ating mga kababayang dito na naninirahan at nagpupunyaging maiahon ang kabuhayan sampu ng mga naiwang kaanak sa Pilipinas.
Masayang sinalubong ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ang delegasyon ng Pangulo noong Miyerkules ng gabi.
***
Nagiging kalakaran sa mga opisyal na biyahe ni PNoy ang pagtitipid sa gastos, maging ang mga inihahandang salu-salo ay simple. Popular ang Pangulo sa mga OFWs dito.
Sa piging kasama ang mga OFWs, payak mang maituturing ang mga inihaing salu-salo, hindi mapapasinungalingan ang init ng pagtanggap ng mga ito sa pinunong buong tatag na pinapangunahan ang pamahalaan sa pagtahak sa tuwid na landas.
Sa kanya marahil nakikita ng mga OFWs ang katuparan ng kanilang mga pangarap na nakapaloob sa kanilang boto noong May 2010 kung saan alikabok ang tinira sa mga katunggali sa Overseas Absentee Ballots mula sa China.
Marami nang nagtatanong sa mga kasamahan natin sa press kung magkano na sa kasalukuyan ang suma ng fresh investments na maiuuwi ng Pangulo. Ang sagot natin dito: sa dami ng Memorandum of Agreements na napirmahan at inaayos ng delegasyon ni PNoy sa larangan ng information, media, communications at trade and commerce, hindi malayong maabot ang mga naisulat na targets.
Talagang aabangan na naman ng mga kababayan natin ang pahayag ng Pangulo sa pagtatapos ng biyaheng ito.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment