Thursday, August 6, 2009

august 6 2009 abante tonite

Isipin si Tita Cory!
Rey Marfil


Ngayong nailibing si dating Pangulong Corazon Aquino, balik sa dating gawi ang mga kaporal ni Mrs. Arroyo, maging kapwa taga-oposisyon. Ang malungkot, hindi puwedeng iburol hanggang May 2010 ang mga labi ni Mrs. Aquino para walang away sa gobyerno.

Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, pagkakaisa ang iniwang legacy o pamana ni Mrs. Aquino, malinaw ang unti-unting paghilom sa mga nilikhang sugat ng Martial Law, patunay ang pagtanggap sa dalawang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang burol - sina Imee at Bongbong, maliban kung in aid for senatorial bid ang motibo ng isa sa mga anak ni Macoy?


Sa isang probinsiyanong hindi naramdaman ang hagupit ng Martial Law, katulad ng Spy, madaling magpatawad subalit paano ang mga taong pinahirapan, pinagmalupitan at inabuso ni Marcos simula 1972 hanggang magka-EDSA 1, katulad ng Aquino family at iba pang biktima ng human rights violation o summary execution, hindi uubra ang paboritong ‘sorry’ ni Mrs. A­rroyo kapag nasasabit sa eskandalo.

Anuman ang motibo ng pamilya Marcos, ito’y magandang senyales sa isang reconciliation. Na­ging sibil ang kapaligiran, walang bastusan sa kabila ng katotohanang ipinapatay ni Macoy si Ninoy Aquino - marahil huling misyon ni Tita Cory sa lupa ang paghilumin ang mga sugat at pawiin ang galit sa dibdib ng bawat isa.
***
Katulad din sa misyon ni Francis Magalona sa awiting ‘Mga Kababa­yan’, kung hindi pa namayapa si Tita Cory, walang balak ang mga alipores ni Mrs. Arroyo na itigil ang pagtutulak sa Charter Change (ChaCha) at pagkatapos ng libing, asahang magsu­sulputan ang kaliskis at rabies ng mga ‘buwaya at tuta’ sa Congress, mali­ban kung kinilabutan si Spea­ker Nograles, sampu ng occupant sa presidential residence lalo pa’t nagkulay dilaw ang Manila Cathedral at Greenhills.

Ang tanong ng mga kurimaw: Sumagi kaya sa isipan ni Mrs. Arroyo ang senar­yong ma-convert sa malaking rally ang mil­yun-milyong nagbigay-pugay sa kadakilaan ni Tita Cory? Ika nga ni Sen. Ping Lacson sa kanyang tri­bute kay Tita Cory- ito lamang ang ‘First and Last Woman President’. Sabagay, pang-Guinness Book of Record ang boto ni Garci dahil ‘isang milyon’ ang bilang ng tropa ni ex-Comelec chairman Ben Abalos kaya’t nanalo si GMA!


Ang nakakatawa lamang, kapag anti-Gloria rally sa Makati, bagsak sa Arithmetic ang mga tauhan ni NCRPO chief Boyzie Rosales na ka-mistah ni Mrs. Arroyo sa Class 78, aba’y limitado sa kanilang darili ang mga sumasali, as in naka-pako sa 5-libo ang crowd estimate, ito’y napakalayo sa 120 libong kalkulasyon ng PNP nang ilipat ang mga labi ni Tita Cory mula Greenhills.

Anyway, kung me­ron dapat katakutan si Mrs. Arroyo, kahit magkaiba ng sitwasyon nina Ninoy at Tita Cory kundi ang kinikimkim na galit ng publiko lalo pa’t walang katapusan ang katiwalian at eskandalo sa gobyerno- ito’y maa­ring sumambulat, anumang oras kapag pinalawig ang kanyang termino.


Nawa’y magsilbing leksyon kay Mrs. Arroyo ang bilang ng mga sumi­lip sa burol at naghatid kay Tita Cory sa Manila Memorial Park, sa pamamagitan ng pagsa-puso sa ‘simpleng babae’ ng dating lider. At kapag napag-iisa sa kanyang opisina, bakit hindi mag-ala Boy Abunda, humarap sa salamin at kausapin ang sarili kung anong legacy ang iiwa­nan sa mga kabataan.

Higit sa lahat isiping may hangganan ang lahat at isipin si Tita Cory habang me­ron pang pag-asang maituwid ang kamalian sa pamamalakad! (mgakurimaw.blogspot.com)