Saturday, August 22, 2009

aug 22 2009 abante tonite




Senador, naihi sa haba ng talumpati
(Rey Marfil)

Sa sobrang daldal ng isang senador, mapadebate o kuwentuhan sa mga media forum, maging sa public hearing, kamuntikang maihi sa pantalon ang isang kasamahan nito sa Upper House dahil ayaw magpaawat sa pagbubuhat ng bangko at pag-astang ‘Boy Bida’ ito.

Nasaksihan ng TONITE Spy kung paano nagpi­gil sa pag-ihi ang bigotilyong senador nang ma-convert sa privilege speech ang interpellation na hiningi ng daldalerong senador tungkol sa isang mahalagang isyung panlipunan ngayon, partikular ang paghahanap ng bagong lider na magtitimon sa tamang daan.

Sa unang sultada ng debate, wala sa eksena ang daldalerong senador subalit nang mapansing nakapako ang tingin ng mga mediamen, as in nakatutok ang mga camera sa dalawang kasamahang senador na nagpapali­tan ng pananaw at kuro-kuro, kaagad sumawsaw ito.

Taliwas sa inaasahan, hindi nag-interpellate o nakihimay sa isyu ang daldalerong senador bagkus, nagsagawa ng sariling talumpati at nakakatawang isiping mas mahaba pa ang kanyang privilege speech kumpara sa original sponsor ng pinagtatalunang topic.
Kung sampung minuto lamang ang itinagal sa privi­lege speech ng kasamahang senador na pinagmulan ng to­pic, halos talumpung minutong nagbuhat ng bangko at nagbida ang daldalerong senador sa session hall.
Sa haba ng ta­la­kayan sa floor dahil kung anu-anong kuwentong binalikan ng daldalerong senador, simula pagkabata hanggang maupo sa Senado, hindi maka-jingle ang bigotil­yong senador na nakapuwesto sa rostrum bilang presiding officer o nagsisilbing taga-hatol at pansamantalang pumalit sa Se­nate President.
Para makababa sa rostrum at maka-ihi, kailangang mag-time out ang bigotilyong senador upang mapalitan bilang presiding officer subalit walang puwedeng mag-substitute dahil karamihan sa mga kasamahang mam­babatas, ito’y nagmi-merienda sa VIP Lounge kung saan nasa likurang bahagi ng session hall.

Dahil walang makuhang kapalit, nagpigil sa pag-ihi ang bigotilyong senador at hinintay matapos ang mala-privilege speech na interpellation ng daldalerong senador bago nagtungo ng comfort room (CR).

Sa sobrang haba magsalita ng daldalerong senador, lalo pa’t paulit-ulit lamang ang kanyang mga kuwento, natatakot ngayon ang mga kasamahang mambabatas na umaktong presiding officer at makipagdebate sa floor dahil namimiligrong madale ng sakit sa bato at maputukan ng pantog.

Clue: Parehong re-elekyunista ang dalawang senador at parehong nag-aambisyon sa mas mataas na posis­yon. Nagpa-macho ang bigotilyong senador at meron letrang “J”, as in jackpot sa surname habang bastos ang palayaw ng daldalerong senador at binansagang ‘Mulaway’ ng Philippine Senate. (mgakurimaw.blogspot.com)