Anong maitutulong mo?
REY MARFIL
Sa huling
State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, marami
siyang pangalan na nabanggit at pinasalamatan dahil sa kanilang naiambag para
sa ikabubuti ng bansa. Gayunman, mayroon din siyang mga napasaringan upang
maipaliwanag sa kanyang mga “boss” kung bakit may mga problema na hindi pa rin
nalulutas sa loob ng limang taon ng kanyang pamamahala.
Sa mga
mahilig sa balita, tiyak na kilala na nila si PNoy sa mga ibinibigay nitong
pasaring o patama sa kanyang mga talumpati. At hindi ito nawala sa kanyang
huling SONA nang ipaliwanag niya kung bakit may ilang problema na nadatnan ng
kanyang administrasyon na hindi pa rin lubos na natutugunan kahit malapit nang
matapos ang kanyang anim na taong termino.
Isa sa mga
madalas na ireklamo ng mga tao ang baha kapag malakas ang ulan sa Metro Manila.
Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang paghuhukay sa mga kalsada para maiayos ang mga
daluyan ng tubig at nang maibsan ang pagbaha. Dahil malaki ang problema,
natural na pangmatagalang solusyon na ginagawa ng gobyerno ni PNoy.
Isa sa mga
nabanggit sanang solusyon sa problema sa baha ay ang paglalagay ng “catch
basin” o saluhan ng baha sa bakuran ng isang malaking unibersidad. Pero hindi
raw natuloy ang proyekto dahil tumutol ang unibersidad dahil nangamba raw ang
mga ito na maapektuhan ang matatandang istruktura sa kanilang bakuran.
Kahit walang
binanggit na pangalan, pumalag ang mga taga-University of Sto. Tomas na sila
ang tinutukoy ni PNoy na unibersidad. Kaagad na kumalat sa social media ang
pagdepensa sa paaralan at pagbalik ng sisi kay PNoy sa problema sa baha.
Ngunit kung
tutuusin, hindi ba kabilang naman ang mga mag-aaral ng UST sa libu-libong
mag-aaral sa university belt area at mga manggagawa ang makikinabang kung
natuloy ang flood catch basin project at nawala ang pagbaha sa lugar? At sa
modernong teknolohiya ngayon at mga kagamitan sa mga infra project, hindi ba
matitiyak na walang gusali na masisira sa UST? Isa pa, sa ilalim naman daw ng
open field ilalagay ang saluhan ng baha kaya kung tutuusin ay wala namang
mababago sa ibabaw ng paglalagyan proyekto kapag natapos iyon.
***
Isa pang
binigyan ng punto ni PNoy ang problema ng Metro Rail Transit (MRT-3) na matagal
na ring binabatikos ng publiko dahil laging nasisira. Pero may ilan na pumuna
sa ginawang pagbanggit ni Aquino sa pinalitan niyang administrasyon na tila raw
ibinato na naman ang sisi sa iba.
Ngunit kung
susuriin, kailangang banggitin ni PNoy ang dating administrasyon para
ipaliwanag ang nangyaring kapabayaan sa pamamahala sa MRT. Dapat daw kasing
nagkaroon ng major overhaul sa sistema ng MRT bilang bahagi ng maintenance
nito. Pero ang nangyari, pintura lang daw ang nabago sa mga tren. Ang resulta
ng maraming taon ng kapabayaan, palpak na serbisyo ng MRT na namana ng
gobyerno ni PNoy, at siya ang tumatanggap ng mga batikos at sisi.
Pero maliban
sa kapabayaan ng nagdaang administrasyon, dapat ding malaman ng publiko na ang
MRT ay pinapamahalaan ng pribadong kumpanya. At kasama raw ang pribadong
kumpanyang ito sa nagpapabagal sa ginagawang hakbang ng gobyerno ni PNoy para
masolusyunan ang mga problema.
Kabilang sa
mga solusyon na ginagawa ng gobyerno ay muling maibalik sa gobyerno ang
pamamahala sa MRT at bumili ng mga bagong bagon na kapwa pinalagan ng pribadong
kumpanya.
Tandaan
natin na isa sa maraming problema ng MRT ay kakulangan ng bagon. Ang pribadong
kumpanya ang dapat na bumili ng mga bagon pero anong nangyari? Kaya naman kung
tutuusin, hindi dapat ang gobyerno ang sisihin kung hindi man kaagad magawa ang
mga solusyon sa problema.
Laging
tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment