‘Di dapat hinog sa pilit |
REY MARFIL
Nagbunyi ang komunidad ng mga bakla at tomboy sa buong mundo dahil sa makasaysayang desisyon ng Korte Suprema ng Amerika na nagdedeklarang legal ang pag-aasawa ng magkaparehong kasarian sa lahat ng kanilang estado.
Dahil dito, nabuhay rin ang pag-asa ng mga “beki” at “tibo” sa Pilipinas na darating din ang panahon na papayagan ng Simbahan at gobyerno na nagpapalitan ng “I do” ang lalaki sa lalaki, at babae sa babae.
Kung tutuusin, hindi naiiwasan na talagang umaasa ang mga bakla at tomboy na payagan din ang same-sex union o marriage sa Pilipinas dahil sinasabing marami sa ating batas ay kopya, kung hindi man sadyang sinunod sa sistema ng Amerika.
Katunayan, ang sistema nating gobyernong presidensyal ay katulad sa Amerika na mayroong dalawang kapulungan ng Kongreso -- ang Senado at Kamara de Representantes.
Pero kung dito sa Pilipinas siguro nangyari ang desisyon ng Korte Suprema ng US, hindi kataka-taka kung dumating ang panahon na bawiin ng mga mahistrado ang kanilang desisyon. Kasi naman, dikit sa 5-4 boto ang desisyon ng mga mahistrado ng US. At dito sa atin, kahit bihirang mangyari ay nakailang beses nang binaliktad ng SC ang kanilang desisyon.
Subalit hindi dapat magpadalus-dalos ang ating mga opisyal sa pagpapasya sa isyu ng same-sex union o marriage para makiuso lang sa nangyari sa Amerika. Bilang isang Katoliko at ikinukonsiderang bansang konserbatibo, dapat na pag-aralang mabuti ang naturang paksa para matimbang nang mabuti ang magkabilang posisyon ng mga pabor at tutol.
Mas makabubuti rin kung ibabatay ng mga kinauukulan nating mga pinuno sa Kongreso at sa SC ang kanilang magiging pasya nang naaayon sa legal na basehan kaysa magpadala sa emosyon kung papahintulutan na maikasal ang magkapareho ng kasarian.
Bagaman karapat-dapat lang naman na kilalanin at maging kapantay sa karapatan ng mga “straight” ang mga bakla at tomboy, dapat din naman na may basehang legal at walang batas na malalabag sakaling payagan sa atin ang same-sex union o marriage.
***
Ang pamahaang Aquino, nais na ipaubaya sa mga mambabatas sa Kongreso at maging sa mga mahistrado ng SC ang pagtalakay sa legalidad kung papayagan ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian.
May mga nagsasabi kasi na kailangang amyendahan ang Saligang Batas para pahintulutan ang same-sex marriage at mayroon ding nagsasabi na hindi na kailangan. May nagsasabi rin na hindi na kailangan ang batas at SC na lamang ang dapat magpasya para payagan ang pagkasal sa magkaparehong kasarian, pero may nagsasabi rin na dapat may mapagtibay munang batas sa Kongreso.
Dati nang inihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa panayam sa kanya noon na nais niyang matalakay nang mabuti ang usapin sa pagpapahintulot sa gay couple na umampon ng magiging anak. Nais kasi niya na matiyak ang kapakanan ng bata.
Kung pagkilala lang naman sa karapatan ng same-sex couple na magsama ang pag-uusapan, masasabing tanggap na rin naman ito ng maraming Pilipino. Subalit may mga same-sex couple na hangad na makakuha rin ng karapatang legal na natatanggap ng mga mag-asawang lalaki at babae; katulad ng mga insurance, paghati ng ari-arian, pagbibigay ng mana, at iba pa.
Kumpara sa Amerika, masyado pang “bata” ang ating bansa kaya marami pa tayong dapat na matutunan at mapag-aralan. Huwag na huwag itong mamadaliin o gagamitan ng kalburo dahil ang prutas na hinog sa pilit ay maasim, mapakla at hindi kaaya-aya sa panlasa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july0315/edit_spy.htm |
|
No comments:
Post a Comment