Monday, July 6, 2015

Malinis at matino!



Malinis at matino!
REY MARFIL



Nakakatuwa ang balitang inalis na ang airport ban na ipinataw ng European Union sa airlines ng Pilipinas dahil siguradong lalong lalakas ang biyahe at turismo sa bansa.

Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino trinabaho nang husto ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang suliranin na nagbunga naman ng maganda ngayon.

Batid ng Pangulo na malaki ang naitutulong ng turismo upang lalong lumakas pa ang masiglang ekonomiya ng bansa alinsunod sa daang matuwid.

Inalis na ng European Commission sa blacklist ang nalalabing Philippine carriers dahil sa mga repormang isinagawa alinsunod sa kautusan ng CAAP.

Dahil dito, magkakaroon ng mas maraming biyahe sa ibang mga lugar sa Europa ang mga kumpanya ng eroplano sa Pilipinas.

Ginawa ng European Commission ang pag-aalis sa Philippine-certified airlines sa negatibong listahan ng European Union Air Safety List dahil sa desididong aksyon ng CAAP na ayusin ang lahat ng problema para mas tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.

Maaari nang makapasok ang iba pa nating mga eroplano sa European airspace at samahan ang national flag carrier na Philippine Airlines Inc. (PAL) at budget carrier na Cebu Air Inc. (Cebu Pacific).

Siguradong mahihikayat rin ang Europeans na maglakbay sa Pilipinas at iba pang destinasyon sakay ng Philippine carriers.

Nakita rin kasi ng European Commission ang kahalagahan ng Pilipinas na mayroong yumayabong na sektor ng paliparan lalo’t maganda ang ekonomiya sa ilalim ng malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino.

***

Hindi naman nakakapagtaka na umangat ng 10 porsiyento ang satisfaction rating ni PNoy base sa pinakabagong pananaliksik ng Social Weather Stations (SWS) survey.

Malinis at matinong pamamahala ang ipinagkakaloob sa bansa ni Pangulong Aquino kaya naman nakikita ito ng nakakaraming pamilyang Pilipino.

Patuloy at walang puknat ang pagpapabuti ni Pangulong Aquino sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko bilang bahagi ng matuwid na daan.

Asahan pa nating paghuhusayin ng Pangulo ang pagkakaloob ng mga reporma para sa kapakinabangan ng mas nakakaraming Pilipino sa nalalabing panahon ng kanyang termino.

Kabilang diyan ang patuloy na pagpapaunlad sa sektor ng imprastraktura, papalakas ng mga institusyong nagkakaloob ng direktang serbisyo sa publiko at makamit pa ang patuloy na pagsulong ng ekonomiya na mararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa SWS survey na isinagawa mula Hunyo 5 hanggang 8 sa hanay ng 1,200 respondents sa buong bansa, tumaas ng 10 porsiyento ang satisfaction rating ng Pangulo sa 57 porsiyento ngayong buwan mula sa 47 porsiyento noong Marso.

Nakakabilib talaga si PNoy dahil napakataas pa rin ng pagtitiwala ng publiko sa kanyang pamunuan kahit malapit nang matapos ang termino nito.

Sa kasaysayan, mababa ang lahat ng pagtitiwalang ibinigay ng publiko sa lahat ng nakalipas na administrasyon habang lumalapit ang pagtatapos ng kanilang termino.

Kung sa bagay, ang walang kapagurang paglaban ni PNoy sa katiwalian at pagsusulong ng mga programa para sa mahihirap ang susi sa patuloy na ma­laking pagtitiwala ng publiko.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july0615/edit_spy.htm

No comments: