Wednesday, July 1, 2015

Tagtuyot, tag-ulan, tagtuyot REY MARFIL





Tagtuyot, tag-ulan, tagtuyot
REY MARFIL


Handa ka na ba, kabayan?

Hindi sa pagpili ng mga iboboto sa darating na May 2016 presidential elections, kung hindi sa magiging epekto ng mga darating na mga bagyo na posible umanong maging mas malalakas dahil naman sa nararanasan na nating patuloy na pag-init ng mundo.

Kung tutuusin, parang good news at bad news sa iba nating kababayan ang opisyal na pagdeklara ng PAGASA na tapos na ang summer season ngayong huling bahagi ng Hunyo at simula na ng panahon ng tag-ulan.

Sa datos ng mga eksperto, sinasabing naantala ng ilang linggo ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan ngayong taon bunga na rin ng labis na init ng panahon. Kung tutuusin, inaasahan na sa Oktubre pa raw lubos na makakaapekto sa atin ang El Niño phenomenon na tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2016. Pero kapansin-pansin na kahit idineklara na ang rainy season, nananatiling tirik pa rin ang init sa Metro Manila na paminsan-minsan ay lulunurin sa ilang oras na malakas na ulan.

Ang ilang lalawigan natin sa Northern Luzon, nagmamakaawa na sa ulan dahil natutuyo na ang kanilang mga sakahan. Samantalang ang ilang lugar naman sa Min­danao, nagdedeklara na ng state of calamity dahil sa pinsala ng ulan -- kahit wala pang bagyo.

Bunga ng abnormal na kalagayan ng ating panahon -- na nararanasan hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa buong mundo sanhi ng global warming o climate change -- pinaghahanda ang publiko, hindi lang sa pagtama ng mga bagyo kung hindi maging sa mas matagal na epekto ng tagtuyot.

***

Sa mga lalawigan o lugar na nakararanas na nga­yon ng kakapusan ng tubig dahil sa El Niño, mabuting kumilos na ang mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan upang humanap ng paraan kung papaano makakapag­reserba ng tubig na ibubuhos ng paparating na mga bagyo. Katunayan, maging ang mga residente sa Metro Manila ay pinayuhan nang magtipid ng konsumo ng tubig dahil patuloy pa ang pagbaba ng tubig sa dam na pinagkukunan ng tubig na dumadaloy sa ating gripo.

Kahit pinapangambahan na malalakas ang mga bagyo na darating, inaasahan naman na mas kaunti ang bagyong tatama sa bansa ngayong taon. Kaya doble ang dapat paghandaan ng publiko -- ang tagtuyot at malakas na bagyo; depende siguro sa lugar na kinaroroonan mo kung ano sa dalawa ang matindi ang tama ng kalikasan.

Matuto na dapat tayo sa naging karanasan ng marami nating kababayan sa pinsalang idinulot ni Yolanda. Bukod sa pagpapatibay ng mga bahay, dapat makinig tayo at sumunod sa abiso at ipag-uutos ng lokal na pamahalaan kapag may banta ng kalamidad.

Sa ganitong panahon higit na kailangan ang kahandaan ng lokal na pamahalaan, magmula sa antas ng barangay, upang masuri ang kahinaan at lakas ng kanilang nasasakupan sa pagtugon sa mga kritikal na sitwasyon.

Ngayon pa lang, alamin na ang mga peligrosong lugar na babahain, tatamaan ng daluyong o matatabunan ng lupa. Dapat ding tiyakin na ligtas ang mga mapipiling lugar na gagawing evacuation center para hindi malagay sa panganib ang mga taong lumikas dahil sa panganib.

Nagsikap ang pamahalaang Aquino na matugunan ang pangangailangan ng ating state weather bureau o PAGASA upang makapagbigay ng tamang datos at impormasyon sa papalapit na kalamidad. Ngayon, nakasalalay sa kamay ng mga lokal na opisyal ang agad na pagkilos para ilikas ang kanilang mga kababayan kung may banta sa buhay ng kanilang mga nasasakupan.

Bukod sa paghahanda, ipagdasal natin na sana ay hindi maulit ang tindi ng pinsala na idinulot ni Yolanda para hindi makapaminsala sa buhay ng marami na­ting kababayan at maging maganda ang iiwang ekonomiya ng pamahalaang Aquino bago magtapos ang kanyang termino 2016.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: