Wednesday, July 29, 2015

Hindi mali ang magpaalala! REY MARFIL



Hindi mali ang magpaalala!
REY MARFIL


Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino marami ang nasiyahan sa mga tagumpay na nagawa ng kanyang papatapos na administrasyon.
Pero mayroon din namang iilan na pumuna sa muling pagpapaalala niya sa mga ginawan­g kapabayaan umano ng sinundan niyang administrasyon.
Ang tanong, masama bang balikan ang nakaraan lalo na kung magpapaalala ito na dapat tayong maging maingat sa pagpili ng mga ihahalal nating lider?

Sa dami nga ng nagawang programa at proyekto ng mahigit limang taong administrasyong Aquino -- kasama na ang audio visual ng ilang nagpatotoo sa mga iniha­yag ni PNoy -- inabot ng mahigit dalawang oras ang kanyang talumpati.

At sa huling pagkakataon bago siya bumaba sa puwesto sa June 30, 2016, ipinagmalaki ng Punong Eheku­tibo ang malaking pagbabago ng bansa ngayon sa ilalim ng gobyernong piniling tahakin ang “daang matuwid”.

Dahil sa repormang ipinatupad ni PNoy sa pamamahala, sinabi nito sa kanyang SONA ang pagbabalik ng kumpiyansa ng mga namumuhunan para maglagak ng negosyo sa bansa.
Nabigyan ng mataas na investment grade ng mga pinakatanyag na credit rating agencies ang Pilipinas kaya nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo sa bansa. Para sa mga namumuhunan, worth it na ang tumaya sa Pilipinas.

Mantakin niyo, nang maupo pala si PNoy noong 2010, nasa $1.07 bilyon lang daw ang net foreign direct investments na pumasok sa bansa. Pero noong 2014, pumalo na raw ito sa $6.2 bilyon, ang pinakamataas na naitala sa ating kasaysayan.

***

Samantala, ang domestic investments naman mula noong 2003 hanggang 2010 ay nasa P1.24 trilyon. Pero mula third quarter ng 2010 hanggang 2014, ang ipinasok na puhunan sa merkado ng mga lokal na negos­yante, nasa P2.09 trilyon.

Dahil limitado ang espasyo natin, hindi na natin babanggitin ang lahat ng mga nagawa ng administrasyong Aquino sa nakalipas na mahigit na limang taon.

Pero magandang malaman na sa nakalipas na mga taon, nabawasan na ang mga Pinoy na nangingibang bansa para maghanap ng trabaho. Ibig sabihin, may oportunidad na silang nakikita sa kanilang sariling bayan.

Dumami rin ang mga proyektong imprastraktura, at kasamang nakinabang dito ang mga lugar na pinamumunuan ang mga hindi kaalyado ni PNoy.
Patunay lang na mali ang hinala ng ilan na nagkikimkim ng sama ng loob sa mga kritiko ang Pangulo.
Sa kanya kasing talum­pati, muli niyang nabanggit ang umano’y mga katiwalian at kalokohan na ginawa ng pinalitan niyang gobyerno.

Ngayon na iilang buwan na lang ay halalan na, at may posibilidad na muling kumandidato o mag-endorso ang mga taong nagkaroon ng pagkukulang sa kanilang trabaho noon, dapat maging mapanuri ang mga botante.

Sabi nga ni PNoy, kung anuman ang pag-unlad na nararanasan natin ngayon ay simula pa lang daw ito. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng kalayaan mula sa katiwalian, at tagumpay bunga ng pagsisikap at paggawa ng tama.

Pero kung tuluyan nating ibabaon sa limot ang ginawang pagsasamantala ng mga umabuso sa kaban ng bayan noon, hindi malayong tahakin na naman ng mga Pilipino ang daang madilim.
At kapag madilim ang paligid, malaki ang posibilidad na malihis ang landas ng pamahalaan sa tinahak na tuwid na daan ng gobyerno ni PNoy. “La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2915/edit_spy.htm

No comments: