Ikalat ang pulis sa lansangan | |
REY MARFIL |
Noong panahon na hepe ng Philippine National Police (PNP) si dating Senador Panfilo Lacson, ang “foot patrol” o mga pulis na naglalakad sa lansangan ang isa sa mga programa na ipinatupad niya para labanan ang krimen.
Kaya naman magandang balita ang pahayag ng bagong PNP chief na si Director General Ricardo Marquez na layon din ng kanyang liderato na palakasin ang police visibility sa komunidad.
Kasi nga naman, ang isang luko-loko na nagbabalak gumawa ng masama ay magdadalawang-isip na ituloy ang binabalak kapag nakakita ng unipormadong pulis.
Ngayon, nakakalungkot na kahit marami na ang nakakalat na mga CCTV camera, nagiging souvenir na lang ang mga ito sa krimen na ginawa ng mga kolokoy.
Bagaman nakatutulong ang footage ng CCTV para matukoy ang mga salarin at mahuli, iba pa rin siyempre kung hindi natuloy ang krimen dahil nandoon ang mga awtoridad at nahuli kaagad ang mga kampon ni “taning” bago pa sila makapanakit.
Lalo na ngayon na lumitaw sa datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management na mula Enero hanggang June ng 2015, tumaas sa 885,445 ang mga naitalang krimen sa buong bansa, mas mataas sa 603,805 na naitala sa kaparehong panahon noong 2014.
Huwag naman sanang gamiting dahilan na kaya tumaas ang naitalang krimen ngayon ay dahil malakas na ang loob ng mga tao na magsumbong sa mga pulis dahil may tiwala na ang mga biktima.
Baka nga marami pa rin ang mga biktima na hindi nagsusumbong dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng takot, abala sa pagdedemanda, o kaya naman ay iniisip nilang wala rin namang mangyayari at magagawa ang pulis.
Ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa mga pulis na -- lagi silang nandiyan sa oras na kailangan -- ang isa rin sa dapat pagtuunan ng pansin ni Marquez.
***
Gaya na lang kasi ng mga naibalita at lumabas na mga viral video sa internet, makikita sa CCTV footage na walang pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Tulad ng holdapan sa paanan ng isang footbridge sa Caloocan-Edsa na ilang beses na pa lang may mga nabiktima.
Gayundin sa isang lugar sa Maynila na nakunan ng video na parang pating na nagpista ang mga kolokoy na isnatser sa mga pasahero ng jeep na inagawan nila ng gamit.
Aba’y mabuti sana kung gamit lang ng mga biktima ang tatangayin ng mga kolokoy, ang kaso, may mga insidente na sadyang buhay ng biktima ang target ng mga kriminal.
At dahil kadalasang naka-helmet at motorsiklo ang mga tirador na suspek kaya hindi sila madaling makilala at mahuli.
Pero kung tutuusin, hindi lang naman pala para lang sa paghuli ng mga kriminal ang mga CCTV.
Dapat ding matuwa ang mga kriminal sa CCTV dahil maaari silang magkakaroon ng proteksiyon laban sa mga pulis na nagtutumba ng mga katulad nila.
Gaya na lang ng nangyari sa Maynila na nakunan ng video ang umano’y paglikida ng mga pulis sa isa umanong holdaper.
Ang naturang insidente ang tila paalala kay PNP Chief Marquez tungkol sa reyalidad ng kapulisan na hindi lang mga kriminal ang dapat niyang linisin, kung hindi pati na rin ang mga pulis na nalilihis sa daang matuwid na tinatahak ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
May maganda ring iniwan ang nagretirong dating PNP-OIC Chief Leonardo Espina kay Marquez pagdating sa usapin ng crime solution.
Ayon sa datos ng PNP, lumitaw na umakyat sa 59.58% ang mga krimen na nalutas mula Enero hanggang Hunyo ng 2015. Mas mataas ito ng 16.7% kumpara sa 42.48% na naitala sa kaparehong panahon noong 2014.
Subalit higit sa pagtaas ng bilang ng krimen na nalulutas, mas maganda pa rin kung baba nang todo ang mga krimen na nagaganap.
Ang motto sa paglaban sa krimen ay katulad din ng motto sa sakit -- prevention is better than cure.
Mas maganda kung mahuli na ang mga kriminal bago sila makapaminsala.
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2215/edit_spy.htm#.Va5IC_lViko
No comments:
Post a Comment