May masasandalan | |
REY MARFIL |
Halos magkasunod na hinirang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang mga bagong mamumuno sa hanay ng tagapagtanggol ng bayan na Armed Forces of the Philippines (AFP) at pati na sa Philippine National Police (PNP).
Sa hanay ng kasundaluhan, ang bago nilang chief of staff si Lt. Gen. Hernando Iriberri, na pumalit sa nagretirong si General Gregorio Pio Catapang. Samantala, matapos ang ilang buwan na pagkakaroon lamang ng Officer-in-Charge o OIC, may opisyal nang PNP chief ang pulisya sa katauhan ni Police Director Ricardo Marquez.
Si Marquez ang pumalit sa nagretiro na ring si Police Director General Leonardo Espina, na naging OIC ng PNP, mula nang masuspendi hanggang sa magbitiw ang dating pinuno ng kapulisan na si General Alan Purisima, na nasangkot sa alegasyon ng katiwalian at kontrobersyal na Mamasapano, Maguindanao operation.
Marami ang pumuri sa naging desisyon ni Aquino sa ginawang pagtalaga kina Iriberri at Marquez bilang mga bagong pinuno ng AFP at PNP. Bukod kasi sa mahusay ang track record ng dalawa, tanggap ang kanilang pagkakahirang sa kani-kanilang hanay.
Nauna nang sinabi ng Palasyo na ang pagpili sa mga bagong pinuno ng AFP at PNP ay ibabase sa merito ng mga kandidato sa posisyon, at kakayahan na pamunuan ang dalawang mahalagang sangay ng pamahalaaan na siyang nakatokang magtanggol sa bansa at mangalaga sa katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Pero hindi rin naman dapat kalimutan ang mga nagawa ng mga nagretirong sina Catapang at Espina.
Dapat bigyan natin ng pansin ang ipinakitang propesyunalismo ng dalawa noong krisis ng madugong Mamasapano, Maguindanao encounter.
***
Kung hindi marahil sa mahusay na paghawak nina Catapang at Espina sa kanilang mga hanay, baka tuluyang nabasag ang nalamatang samahan ng dalawang panig bunga nang sisihan sa pagkasawi ng 44 na magigiting na pulis sa naturang operasyon sa Mamasapano.
Gayunman, sa bagong kabanata ng pamunuan ng AFP at PNP, magiging malaking pagsubok kina Iriberri at Marquez ang hamon sa kanila ni Aquino na tiyakin na magiging malinis at maayos na halalan sa 2016.
Hindi kataka-taka na hangad ni PNoy na maging mapayapa ang darating na halalan dahil magsisilbi itong legacy niya sa kanyang pagbaba sa Palasyo sa susunod na taon.
Pero maliban sa halalan, may iba pang mga problema na dapat pag-ukulan ng pansin ng bagong mga pinuno ng AFP at PNP. Gaya na lang ng patuloy na pambabarako ng China sa West Philippine Sea, at mga panloob na banta sa seguridad na dulot ng mga rebeldeng komunista at mga bandidong grupo sa Mindanao.
Si Marquez, kailangang tiyakin ang seguridad ng mga pinuno ng mga bansa na dadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting na gaganapin sa Pilipinas ngayong Nobyembre. Kung sabagay, baka hindi na mahirapan dito si Marquez dahil nakapagsanay na siya nang pamunuan niya ang pagkakaloob ng proteksyon sa seguridad ni Pope Francis nang bumisita sa bansa ang Santo Papa noong Enero.
Subalit dapat gamitin din ni Marquez ang malawak niyang karanasan bilang isang mahusay na opisyal na pulis upang mapababa ang kriminalidad sa bansa -- tulad ng mga riding in tandem criminals at talamak pa ring iligal na droga.
At bagaman nabawasan ang mga naglalabasang anomalya at mga reklamo laban sa mga abusadong pulis at sundalo, dapat ipagpatuloy nina Iriberri at Marquez ang paglilinis sa kani-kanilang hanay; na kahit wala na sa kapangyarihan si PNoy na nagtalaga sa kanila, dapat pa rin nilang tiyakin na patuloy na tatahak sa tuwid na daan ang kasundaluhan at kapulisan para pangalagaan at isulong ang kapakanan ng sambayanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment