Pinunong totoo ang piliin | |
REY MARFIL |
Sampung buwan na lang, susugod muli ang mga botante sa mga paaralan para pumili ng susunod na lider ng ating bansa.
Ngayon pa lang, may payo na si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang mga “boss” tungkol sa katangian na dapat hanapin sa taong papalit sa kanya sa MalacaƱang.
Hindi naman maikakaila na malaki na ang naging pagbabago sa pamamahala ng gobyerno mula nang maging pangulo natin si PNoy. Hindi man perpekto, aba’y malayung-malayo naman ang narating ng bansa kung ikukumpara sa pinalitan niyang gobyerno.
Kung dati ay puro negatibo ang inabot na marka ng bansa sa mga international creditors, ngayon ay puro positibo ang nakuhang marka ng Pilipinas dahil sa matatag na ekonomiya at gobyerno. Tumaas din ang ranggo natin sa paglaban sa katiwalian kaya hindi nakapagtataka na maraming dayuhan ang muling nagtiwala sa atin at namuhunan.
Ang resulta, nadagdagan ang pondo, dumami ang proyekto; nadagdagan ang mga negosyo, dumami ang mga trabaho; nabawasan ang mahirap, nabawasan ang nagugutom. Kaya naman kung noon ay karaniwang pababa ang approval at trust rating ng mga papaalis na presidente, kay PNoy, nananatiling mataas.
Dahil dito, hindi maaaring balewalain ang sinasabing “endorsement” power ni PNoy sa sinumang kandidato na bibigyan niya ng kanyang suporta o basbas. Kung tutuusin, mali na ihambing ang bigat ng endorso ni PNoy sa ibang naging presidente na natalo ang manok sa nagdaang mga panguluhang halalan.
Natalo noon sa panguluhang halalan si dating Speaker Jose de Venecia na inendorso ni dating Pangulong Fidel Ramos. Natalo rin si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro na inendorso naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Pero alalahanin natin na nanalo si Ramos, na inendorso ng yumaong dating Pangulong Cory Aquino, na ina ni PNoy.
***
Gaya ni PNoy ngayon, nanatiling positibo noon ang popularidad ni Cory nang patapos na ang kanyang liderato. Samantala, kahit positibo rin ang marka ng popularidad ni Ramos nang matatapos na ang kanyang termino nang iendorso si De Venecia, aba’y naging mahirap ang laban ng dating Speaker dahil napakataas sa mga survey ang nakalaban sa panguluhan na si dating Pangulong Erap Estrada.
Habang sa laban noon ni Teodoro, bukod sa sadsad sa negatibo ang popularidad ng nag-endorso sa kanya na si Arroyo, aba’y sa napakataas pa sa survey ng nakalaban niyang si PNoy.
Kaya maraming tagamasid sa pulitika ang tiyak na nag-aabang sa kung sino ang babasbasan ni PNoy sa 2016 presidential elections at sa magiging resulta ng halalan.
Pagkatapos ng huling State of the Nation Address ni PNoy sa Lunes, Hulyo 27, inaasahang tutukuyin ng Pangulo kung sino ang magiging pambato ng administrasyon sa panguluhang halalan.
Pero bago nito, nagbigay na si PNoy ng payo sa publiko na kanyang mga “boss” tungkol sa katangian na dapat hanapin sa susunod na lider ng bansa na magpapatuloy ng kanyang “daang matuwid”.
Sa isang pagtitipon sa Bulacan, pinayuhan ni PNoy ang publiko na piliin ang susunod na lider na magiging totoo sa paglilingkod sa bayan at hindi iyong sarili lang ang pasasayahin.
Hindi rin dapat basta paniwalaan ang mga sinasabi at mga ipinapangako ng mga pumuposturang kakandidato. Dapat kilatisin silang mabuti lalo na kapag mayroong alinlangan na sila’y magsasamantala at manlalamang kapag nakapuwesto na.
Kapag nagkamali ang mga tao sa pagboto ng susunod na lider, tiyak na masasayang ang anim na taong ipinundar ni PNoy para maibangon ang ekonomiya at ang naipundar niyang pag-asa ng bayan na puwede palang labanan ang katiwalian para umunlad ang bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment