Wednesday, July 15, 2015

Ang ekonomiya at si PNoy REY MARFIL



Ang ekonomiya at si PNoy
REY MARFIL


Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, maraming batikos, kritisismo, puna ang ibinato sa kanyang pamamahala sa nakalipas na mahi­git limang taon.
Ngunit hanggang ngayon, bibihira pa rin ang mga pumuri sa kanyang maraming magandang nagawa -- isa na riyan ang matatag at umangat na ekonomiya ng bansa.

Ang ekonomiya ang nagsisilbing gasolina ng bansa para patuloy na tumakbo.
Kung bagsak ang ekonomiya, walang sigla ang kalakalan; kung matamlay ang kalakalan, walang gaanong buwis na makokolekta;
kung walang buwis na makokolekta, walang pondong magagamit sa mga proyekto at mga pangunahing serbisyo; kung walang mga proyekto at walang serbisyo, walang silbi ang gobyerno.

Marahil ay hindi napapansin ng ilan sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng magandang lagay ng ekonomiya natin ngayon sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, iyan ay dala marahil na maganda ang buhay ng marami sa ating mga kababayan.
May kasabihan nga na hindi natin napapansin ang kahalagahan ng isang bagay kapag nandiyan lang sa tabi, at hahanapin lamang kapag wala na. 

Kaya naman sa atin dito sa Pilipinas, dahil mabuti ang lagay ng ekonomiya kaya marahil ay hindi napapansin ng marami. Pero kung tayo ngayon ang nasa kalagayan ng mga mamamayan ng Greece, malamang araw-araw na­ting pag-uusapan ang ekonomiya at ang liderato ni PNoy.

***

Gaano ba kalubha ang sitwasyon ng ekonomiya sa Greece?
Ang ilan sa ating mga kababayan na nagtatrabaho roon, nag-iisip nang bumalik sa Pilipinas o kaya naman ay lumipat ng ibang bansa sa Europa na kanilang mapapasukan.
Mabuti na lamang at hindi marami ang mga Pinoy overseas workers sa Greece kaya hindi magiging malaking problema kung sakaling ihahanap sila ng ibang mapapagtrabahuhan.

Hindi rin makakaapekto sa ating ekonomiya ang krisis sa Greece dahil napakaliit lamang ng kalakalan natin sa kanila na nasa 0.01 percent lang.
At dahil kakaunti­ lang ang OFW­s doon, hindi rin ito makakaapekto sa dollar remittance na ipinapadala ng ating mga kababayan na kung tawagin ay bagong bayani.

Kung naging pabaya ang gobyernong Aquino at kung hindi naging mahusay ang mga itinalaga niyang economi­c managers, hindi malayong mangyari rin sa Pilipinas ang nangyari sa Greece.
At kung maganda nga ang ekonomiya pero tiwali naman at kurakot ang mga namamahala, balewala rin dahil hindi ang bayan ang makikinabang.

Pero iba ang administrasyon ni PNoy. Matapos niyang tutukan at ituwid ang maling sistema ng pamamalakad sa u­nang taon sa gobyerno, isinunod na ang pagpapalago sa ekonomiya. Pinalaki ang koleksiyon sa buwis, pinakalakas ang kalakalan at turismo, binura ang wang-wang at pala­kasan sa pagnenegosyo, at dumami ang dayuhang namumuhunan.

Naging sunud-sunod ang positibong pagtaya ng mga international financial institution na nagbigay sa bansa ng mas mataas na credit rating. Sumigla ang stock market na nagta­tala rin ng sunud-sunod na record high sa transaksiyon. Habang ang paglago ng ekonomiya, hindi bumababa sa anim na porsiyento bawat taon, na pinakamabilis simula noong 1955 o sa loob ng nakalipas na 60 taon.

Resulta nito, mas maraming proyekto ang ginagawa (na ang iba ay nagdudulot ngayon ng pagbagal ng trapiko), dumami ang mga may trabaho, dumami ang mga benepisaryo at maging ang uri ng karamdaman na nakapaloob at siniserbis­yuhan ng PhilHealth, nabawasan ang mahihirap, naipatupad ang modernisasyon ng militar, PAGASA, at marami pang iba.

Sa susunod na taon ay bababa na sa puwesto si Aquino, magkakaroon ng bagong liderato na sisihin at pupunahin ang mga kritiko. Sana lang ay tandaan natin ang kahalagahan na maipagpatuloy ang mga magagandang programa na nasi­mulan niya para sa bayan at mga mamamayan.

Hindi na siguro natin kailangang danasin ang problema ng Greece bago natin makita ang mabuting nagawa ni PNoy sa ating ekonomiya at bansa.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/july1515/edit_spy.htm#.VaZpdPlViko

No comments: