May malasakit! | |
REY MARFIL |
Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P14 bilyon para sa tinatawag na Productivity Enhancement Incentive (PEI) o bonus ng mga kuwalipikadong guro at kawani ng Department of Education (DepEd).
Malaki ang maitutulong ng bonus sa pamilya ng bawat benepisyunaryo na katumbas ng isang buwang suweldo ng mga kawani.
Batid ng Pangulo ang pangangailangan ng bawat guro kaya naman naging prayoridad nito bilang bahagi ng matuwid na pamamahala ang pagkakaloob ng bonus alinsunod sa Executive Order (EO) No. 181, series of 2015.
Inilabas kamakailan ng DBM ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa pagkakaloob ng PEI upang pakinabangan na ng mga benepisyunaryo.
Sinimulan nang ibaba ng DepEd ang pondo sa tanggapan ng mga ito sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa na maaaring natanggap na ng mga guro at ibang kawani habang isinusulat ito ng may-akda.
Iniutos na ni DepEd Sec. Armin Luistro ang pagkakaloob ng pondo sa pamamagitan ng pagsasama nito sa suweldo ng kanilang mga kawani.
Kabilang sa kuwalipikadong benepisyunaryo ang sino mang nagtrabaho na ng apat na buwan sapul noong Mayo 31, 2015, kabilang ang mayroong leaves of absence with pay at mayroong kaaya-ayang serbisyo.
Siguradong direktang makikinabang ang bawat miyembro ng pamilya ng mga guro at kawani ng DepEd sa mabilis na pagtugon ni Pangulong Aquino sa pagkakaloob ng kanilang benepisyo.
***
Malaki ang naitulong sa turismo ng katatapos lamang na P150 milyong kalsada sa Bukidnon patungo sa isa sa mga pangunahing tourist attraction doon. Naging posible ang bagong access road na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy.
Nasa ilalim ang programa ng Tourism Infrastructure Program na matatagpuan sa Sitio Kalanganan, Barangay San Vicente sa bayan ng Baungon.
Dahil sa proyekto, magiging madali para sa mga turista na mabisita ang Rafflesia Yard na idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kritikal na tahanan ng pambihira at pinakamalaking bulaklak sa bansa o ang Rafflesia na kilala rin sa lokal na tawag na ‘bo-o’ o ‘kolon busaw’.
Sa buong mundo, ikalawa ang Rafflesia sa pinakamalaking bulaklak na maaaring umabot sa 80 sentimetro. Dadayuhin ng mga turista ang lugar at magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga tao doon.
Huli kasing nakita ang bulaklak ni German Alex Schandenberg sa Mt. Apo noong 1881 bago ito muling nakita sa Bukidnon matapos ang 126 taon. Bukod sa pambihirang bulaklak, matatagpuan rin sa Bukidnon ang apat na bundok na kabilang sa 10 mataas sa bansa na kinabibilangan ng Mt. Dulang-Dulang (2nd), Mt. Kitanglad (4th), Mt. Kalatungan (5th) at Mt. Maagnaw (8th).
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment