Walang katumbas! | |
REY MARFIL |
Magandang makita na nagkakaisa at solido ang tatlong pangunahing institusyon ng gobyerno -- ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura -- sa hangaring ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa agawan ng teritoryo sa West Philippine o South China Sea sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan sa lupon ng United Nations.
Kamakailan lang, sinimulan na ng five-member panel ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations sa The Netherlands ang pagdinig sa petisyon ng Pilipinas laban sa ginagawang pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo sa WPS.
Gaya ng inaasahan, dedma ang China sa petisyon natin at wala silang ipinadalang kinatawan sa pagdinig sa UN.
Kung dedma ang China, full force naman ang ating deligasyon na kinabibilangan ng mga de-kalibreng opisyal sa pangunguna nina Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza, Sandiganbayan Justice Sarah Fernandez; Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Chief Presidential Legal Counsel Benjamin Caguioa; Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Justice Secretary Leila de Lima at Speaker Feliciano Belmonte.
Sa laki ng nakatayang interes ng Pilipinas sa WPS, natural lang na ipadala natin ang pinakamatinding delegasyon na makatutulong para mapalakas ang laban natin sa UN.
***
Bukod kasi sa potensyal na mga mina at mga yamang-dagat na makikita sa bahagi ng karagatan na inaangkin ng China, dapat lang na ipaglaban natin nang ubod-tindi ang ating karapatan sa teritoryong nais angkinin ng ibang bansa.
Kaya naman nakalulungkot kung may kababayan tayo na pupuna pa sa gastos ng delegasyon natin sa UN at pagkuha ng mga dayuhang abogado. Dapat pa bang kuwentahin at lagyan ng presyo at tipirin ang pakikipaglaban natin sa teritoryong nais angkinin ng iba?
Kahit nga ang pagkuha ng MalacaƱang ng serbisyo ng ilang dayuhang abogado na makatutulong sa ating kaso ay hindi na rin dapat gawing isyu. Dahil sa pandaigdigang lupon natin idinulog ang kaso, makabubuti rin na may dayuhang eksperto sa usapin na nasa panig natin.
Napakakritikal ng isinasagawang pagdinig ngayon ng Permanent Court of Arbitration dahil tatalakayin nito kung may hurisdiksyon sila sa kasong isinampa natin laban sa China. Kaya naman dapat na makumbinsi natin ang lupon sa ating reklamo upang pormal na masimulan ang pagtalakay sa merito ng ating kaso. Aba’y nakakahiya naman kung ibabasura ng lupon ang ating reklamo at partida pang hindi nakikisali ang China.
Mabigat ang laban na kinakaharap ng bansa sa usaping legal na ito kaya suporta ang kailangan ng pamahalaan sa lahat ng Pilipino at hindi ang walang kawawaang puna para lang magmukhang kritiko ng gobyerno; lalo na kung ang taong pupuna ay may ambisyon palang kumandidato sa halalan sa panig ng oposisyon.
May kasabihan na kung walang maitutulong, mabuting manahimik na lang.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment