Kanino ka sasama?
Sa unang pagkakataon mula nang mahalal na Pangulo noong May 2010, nagbigay ng direktang pahayag sa kanyang mga boss sa pamamagitan ng primetime broadcast sa mga himpilan ng telebisyon si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Tama lang ang ginawa ni PNoy na direktang magpaliwanag at magbigay-linaw sa mga taong nagluklok sa kanya sa puwesto bilang lider ng bansa. Dapat lang naman na maipaalala sa publiko ang kaibahan ng pagwawaldas at tamang paggamit ng pondo ng bayan.
Dahil sa organisadong pagkilos ng mga taong nasa likod ng pagwawaldas ng pondo ng bayan tulad ng pork barrel funds, tila maging ang mga mamamayan ay nalito na at nakalimutan kung ano nga ba ang tunay na isyu ngayon -- ang pagnanakaw sa kaban ng bayan na ipinadaan sa mga pekeng NGO.
Mula nga naman nang mabisto ang kuwestiyunableng paglalaan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang mambabatas sa mga kaduda-dudang NGOs na umabot sa P10 bilyon magmula 2007-2009, nahaluan na rin ito ng Development Acceleration Program (DAP) at Presidential Social Fund (PSF).
Ang masaklap nga naman, nais palabasin ng mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon na magkapareho ang PDAF, DAP at PSF -- at nais pang palitawin na inaabuso rin ng pamahalaang Aquino ang DAP at PSF, gaya ng ginawa ng ilang mambabatas sa kanilang PDAF.
Pero marahil ang higit na mahirap tanggapin para sa mga kaisa sa paglalakbay tungo sa daang matuwid, ay iyong may maniwala sa kasinungalingan ng mga nasa likod ng demolisyon laban sa administrasyon, at may ilan na nagkakaroon naman na ng pagdududa sa katapatan ni PNoy na ipagpatuloy at tapusin ang kampanya nito laban sa katiwalian.
Sa pamamagitan ng ginawa niyang pagpapaliwanag sa kanyang mga “boss” na ipinalabas sa mga telebisyon, tiyak na naiparating ni PNoy sa mga mamamayan na hindi nagbabago ang kanyang paninindigan kontra sa katiwalian. Bukod dito, ang mensahe ni PNoy ay pagbibigay garantiya rin sa mga tao na patuloy niyang iingatan at gagamitin nang wasto ang pondo ng bayan gaya ng inilalaan sa DAP at PSF.
***
Higit sa lahat, ang mga pahayag na binitiwan ng Pangulo ay malinaw na mensahe sa mga nasa likod ng panlilinlang sa publiko at sangkot sa pagwawaldas ng pondo ng bayan na hindi siya titigil hangga’t hindi naipapakulong ang mga ito. Kaya naman asahan natin na patitindihin nila ang pag-atake kay PNoy at sa kanyang administrasyon.
Pero ang tanong, kanino ka sasama? Sa lupon ng mga taong sangkot sa katiwalian at paglulustay sa pondo ng bayan? O sa lupon na naglalakbay sa tuwid na daan at umuusig sa mga taong bumaboy at inaring kanila ang pondo ng bayan?
Si PNoy na ang nagsabi na ang lakas niya ay nagmumula sa mamamayan, kaya naman kung mawawala sa kanya ang suporta ng mga tao, natural na manghihina ‘yung tao at lalakas naman ang puwersa ng katiwalian. Bagay na hindi natin dapat hayaan na mangyari.
Dapat manatili sa likod ni PNoy ang suporta ng tao upang hindi masayang ang pagkakataon na magkaroon ng malinis ang lumang sistema ng katiwalian sa gobyerno. Sa mga patuloy na nakararanas ng pag-aalinlangan sa katapatan ni PNoy sa malinis na pamamahala, isip-isip din ‘pag may time.
Kilatisin ang kredibilidad at motibo ng mga taong bumabanat sa kanya bago natin paniwalaan. Simple lang naman ang dapat na tandaan na kasabihan: Magnanakaw + sinungaling = kurap. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment