Wala sa katinuan!
Hindi ba’t kapuri-puri ang desisyon ng administrasyong Aquino na maglaan ng P2 bilyong pondo para suportahan ang apektadong overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.
Bibigyan ng pamahalaan ang OFWs ng tsansa na magkaroon ng sariling negosyo sa pamamagitan ng pagsisimula ng maliit na negosyo lalo’t tumitindi ang paghuli sa ilegal na OFWs na nasa Saudi Arabia.
Ipinapakita lamang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kanyang malaking puso at suporta sa laban ng OFWs.
Kumikilos ang pamahalaan sa pamamagitan ni Vice President Jejomar Binay, Presidential Adviser on OFW Concerns, na nakatutok sa kapakanan ng OFWs, kabilang dito ang pagpapadala ng opisyal ng liham ng apela kay Saudi King Abdullah Bin Abdulaziz Al Saud para bigyan pa ng ekstensiyon ang OFWs na maisaayos ang kanilang mga papeles matapos mapaso ang palugit noong Nobyembre 3.
Matapos pumutok ang nasabing palugit, asahang patitindihin ng pamahalaang Saudi ang paghuli sa mga kababayan nating OFWs at iba pang mga dayuhan na nananatili sa nasabing bansa.
Malaking tulong nga naman talaga ang ilalaang pondo ng pamahalaan para mabigyan ng pagkakataon at oportunidad ang OFWs na nagbalik sa bansa na muling magsimula.
***
Kung talagang pambansang interes ang iniisip ng website hackers na nagtatago sa pangalang Anonymous Philippines, dapat tumigil na ang mga ito sa paninira ng government websites dahil karagdagang gastos lamang ang ibinubunga ng ilegal nilang aktibidad.
Magagamit sana ang pondo sa pagkumpuni ng sinirang websites upang matulungan ang mga mahihirap na nangangailangan ng iba’t ibang pangunahing serbisyo.
Nakakahiya ang ginagawa ng hackers na kontra kuno sa pork barrel system matapos atakehin ang website ng Office of the Ombudsman at 37 iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Tama ring palakasin ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang depensa laban sa mga naninira ng websites lalo pa’t madidiskaril ang operasyon o trabaho.
Maganda ring tukuyin ang mga nasa likod ng paninira at kasuhan ang mga ito upang managot. At asahang meron masasampolan sa pananabotahe ng mga websites.
Ang tanong ni Mang Kanor: Hindi ba nauunawaan ng hackers na ibinasura na ng Kamara de Representantes ang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel nang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang P2.268-trilyong general appropriations bill (GAB) sa susunod na taon?
Mayroon ngang problema sa pork barrel, pero dapat maunawaan din ng mga kritiko ang malaking pakinabang ng publiko rito, lalung-lalo na ang mga mahihirap na umaasa ng mga pasilidad katulad ng mga silid-aralan at kalsada at maging ang scholarship at suportang medikal sa mga nangangailangan.
Hindi rin ba nauunawaan ng hackers na ang pagpapahayag ng saloobin at reklamo ay hindi ganap na karapatan sa ilalim ng Konstitusyon, maliban kung sadyang makitid ang kukote ang pag-iisip, as in ga-lamok ang utak ng mga ito?
Hirit ni Mang Gusting, merong pananagutan ang bawat isa at hindi maaaring lumabag sa umiiral na mga batas at alituntunin. Iyan ang nakalimutan ng hackers. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment