Friday, November 8, 2013

Leksyon!




Leksyon!




Simula nitong Nobyembre 3, magsisimula nang hulihin ng mga awtoridad sa Kingdom of Saudi Arabia ang mga hindi dokumentadong mga dayuhang manggagawa na nasa kanilang bansa, kabilang na rito ang ating mga kababayang overseas Fi­lipino workers o OFWs. 

Ang paghihigpit na ito ng nasabing kaharian sa Gitnang Silangan ay bahagi ng kanilang programa na una­hing mabig­yan ng trabaho ang kanilang mga kababayan.

Ang masaklap nga lamang sa sitwasyong ito, marami pa rin sa ating mga kababayang OFW na hindi dokumentong nagtatrabaho roon ang hindi nakumpleto ang dokumentasyon at na­nganganib silang maaresto. At kung pagbabata­yan ang mga nakaraang mga ulat tungkol sa mga kababa­yan nating nahuhuli roon, hindi kaiga-igaya ang kanilang mga naging karanasan.

Kung tutuusin, ginagawa naman ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) ang kanilang magagawa para matulungan ang ating mga kababayan, alinsunod na rin sa na­ging utos ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.  

Matapos kasing ianunsiyo ng KSA ang kanilang Saudization program ilan buwan na ang nakalilipas, sini­mulan na rin ang DFA ang kanilang panawagan sa mga OFW na ayusin ang kanilang mga dokumentasyon para maging legal ang pananatili nila roon.

Umabot na sa 4,420 OFWs ang matagumpay na naiuwi sa Pilipinas, may 1,500 pa hinihintay ang exit visa at may ilan libo pa ang may problema sa dokumentas­yon at namimiligrong madakip. Tinatayang nasa isang milyon ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa kaharian ng Saudi Arabia.

At sa kabila ng paulit-ulit na mga babala, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nais makipagsapalaran sa ibang bansa na tila tumatawid lang sa EDSA at nakiki­pagpatintero sa ka­pahamakan. May ilan na gustong manatili sa KSA kahit isugal ang kanilang kalayaan sa katwirang wala rin naman silang katiyakan na may makukuhang trabaho kapag umuwi ng Pilipinas.

Ang hindi nila naisip, mas ligtas sila sa Pilipinas at kahit papaano ay may makukuha rin naman silang trabaho dito, iyon nga lang marahil ay hindi kasing-laki ang sahod na maaari nilang ki­tain sa Saudi. Ang ganitong mentalidad ng ilan nating kababa­yan ay hindi lang sa KSA umiiral kundi maging sa ibang bansa kung saan sila nakikipagsapalaran.

***

Napag-usapan ang “Saudization”, bago mapauwi ng Pili­pinas ang isang OFW, kailangan niyang makakuha ng “exit visa” na maibibigay lamang kung may clearance siya sa kanyang naging amo. Pero papaano siya makakakuha ng clearance kung nilayasan o tinakasan niya ang kanyang amo? Ang iba, hindi lang dalawa o tatlong beses nakapagpalit ng amo habang nagtatago.

Bukod diyan, may karampatang multa rin ang bawat buwan o taon ng pagiging illegal worker. Kaya naman marami sa mga pinapauwing hindi dokumentadong OFW ang may ma­laking binabayaran upang makakuha sila ng exit visa, maliban na lamang kapag winave o hindi na ito sisini­ngil ng gobyerno ng KSA.

Sa kabila ng mga problemang ito ng mga kababayan natin sa KSA, ginagawa pa rin ng pamahalaang Aquino sa pa­ngunguna ng DFA na maiuwi ang mga hindi dokumentadong OFWs. Iyon nga lang, ngayon ay nakikita na kung gaano sila kadami kaya hindi rin ganu’ng kadali ang pagproseso sa kanilang dokumento.

At sa mga grupo na walang ginawa kundi sisihin at batikusin ang gobyerno sa ganitong mga pagkakataon, bakit hindi kaya kayo mismo ang magpayo sa ating mga kababa­yang OFWs na hindi sila dapat mangibang bansa o manatili sa kinala­lagyan nilang bansa kung hindi rin naman legal ang pana­natili roon para makaiwas sa kapahamakan. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: