Wednesday, October 30, 2013

Dumamay at ‘wag puro laway!




                                Dumamay at ‘wag puro laway!


Sa harap ng trahedya gaya ng mga kalamidad, may tatlong mukha ang maaaring makita -- ang mga biktimang nagdadalamhati, ang mga nagmamalasakit na dumadamay, at ang mga may personal na agenda na nagsasamantala.

Sa nakalipas na ilang buwan, tila kinakabayo ng kamalasan ang bansa dahil sa mga natural at man-made calamities na dinanas ng bansa -- ang matinding mga pag-ulan na nagpalubog sa baha sa ilang lugar sa Luzon; ang pagsalakay ng ilang tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City sa Mindanao; at ang mapaminsalang lindol na naranasan sa Cebu at Bohol sa Visayas region.

Sa lahat ng sitwasyong ito, hindi nagpabaya ang pamahalaang Aquino sa pinakamabilis na paraan na magagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makapaghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta. Pero sa lawak at dami ng mga apektadong pamilya, hindi magiging madali ang lahat para kaagad na maiparating ang tulong.

Kaya naman malaking bagay ang nagagawa ng mga media at pribadong sektor para makatulong sa gobyerno sa paghahatid ng mga tulong at pagbibigay ng impormasyon sa kalagayan ng mga tao. Sa pamamagitan ng media, nala­laman ng kinauukulang ahensya ang mga lugar na hindi pa naaabot ng tulong dahil na rin sa pagiging liblib ng lugar o kaya naman ay problema sa mga daraanan.

Ang mga binahang kalsada, daanan na natabunan ng gumuhong bundok, mga nasirang tulay ang karaniwang nagpapahirap sa pagdadala ng kailangang relief assistance sa mga naging biktima ng pagbaha o kaya naman ay lindol gaya ng nangyari sa Bohol at Cebu.

Sa sitwasyon naman sa Zamboanga City, ang sobrang dami ng tao na lumikas at pansamantalang tumuloy sa mga evacuation centers na kailangan ding suportahan ng gobyerno ang naging malaking pagsubok. Bukod sa pagkain, ang pagbabantay sa kanilang kalusugan ay mahalagang tinutukan din ng pamahalaan katuwang ang iba’t ibang pribadong sektor.

Ang pagkakaloob ng paunang tulong sa mga kababayan nating nasalanta ay isang bahagi pa lamang ng problema na kailangang tugunan ng gobyerno. Dahil maliban sa mga tao, dapat ding kumilos ang gobyernong Aquino upang maibalik din sa normal ang mga napinsalang lugar para makapagsimula muli ang ating mga kababayan.

***

Napag-usapan ang trahedya, kalamidad at iba pang problemang sinapit ng Pilipinas, hindi kaila sa publiko na kaila­ngang ayusin ang mga nasirang kalsada at tulay, itayong muli ang mga gumuho o nalubog sa tubig na mga paaralan, o ayusin ang mga tanggapan na nagkaroon ng bitak o natabunan ng putik.

Sa dami ng mga kalamidad na tumama sa ating bansa -- gaya ng mga pag-ulan na ngayon ay lalong tumitindi dulot ng climate change, hindi nakapagtataka na maubos ang pondong nakalaan para dito.
Kung tutuusin, nasa Oktubre pa lamang tayo at sana naman hindi na masundan pa ang malalakas na bagyo at paglindol na gaya ng naranasan sa Cebu at Bohol.

Nakakalungkot lang na may mga tao na hindi na nagagawang tumulong sa mga biktima ng mga kalamidad na ito, nagagawa pa nilang mang-intriga tulad ng pagkuwestiyon sa pondo para sa kalamidad at umano’y mabagal na pagdadala ng tulong sa mga nasalanta. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Dumamay at huwag puro laway!

Si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na mismo ang nagpahayag sa media at publiko na nasa P1 bilyon na lamang ang nalalabi sa pagtugon sa kalamidad -- P176 mil­yon sa calamity fund at P824 milyon sa contingency fund.

Pero dahil sa tinatayang nasa P7 bilyon ang kakaila­nganin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng lindol -- hindi pa kasama ang tinatayang P4 bilyon na kailangan naman sa rehabilitasyon ng Zambo City -- planong gamitin ng pamahalaan ang matitipid nito o savings na P20 bilyon sa natitirang mga pangangailangan.

Sa halip na punahin ang gobyerno sa pagtugon sa mga kalamidad na nangyayari na hindi naman ginusto ng sinuman, dapat ipagpasalamat ang pagiging masinop ng pamahalaan sa paggamit ng pondo ng bayan kaya may mga natitipid sa pagtatapos ng taon na gagamitin sa mga maka­buluhang gawain at hindi katulad noon na hindi mo alam kung kaninong masuwerteng bulsa nalalaglag.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: