Monday, November 25, 2013

Mapalad pa rin!




Mapalad pa rin!
REY MARFIL


Kahit kinakabayo tayo ng kalamidad, masasabi pa rin natin na mapalad tayong mga Pilipino. Bakit ka ninyo?

Dahil minsan pa ay naipakita natin ang pagmamalasakit natin sa ating mga kababayan, at maraming bansa ang nagmamahal sa atin bilang nilalang sa mundo.

Ano pa nga ba ang kulang na delubyong inabot ng bansa natin? Sinabugan na tayo ng bulkan, rumagasa na ang lahar, umulan na ng bala, bumaha na ng tubig-ulan at dagat, at bumuka na ang lupa, pero nakatayo pa rin tayo at nakakangiti.

Dahil ika nga ay nasa “Pacific Ring of Fire” ang Pilipinas at isa tayong tropic country, sinasabing lantad ang ating bansa sa mga kalamidad gaya ng lindol, pagsabog ng bulkan, at bagyo. Pero nadagdagan pa ang peligro natin ngayon dahil sa climate change o pag-init ng mundo.

May mga naniniwala na ang lumalalang pag-init ng mundo ang isa sa mga dahilan kaya lumalakas ang mga bagyo tulad na lamang ng puwersang inihampas sa atin ng bagyong “Yolanda”. Bukod diyan, napapansin din na kahit walang bagyo, malalakas ang buhos ng ulan na dala ng mga habagat.

Batay sa mga lumabas na pag-aaral, kabilang ang Pilipinas sa limang pangunahing mga bansa sa mundo ang matinding maapektuhan ng climate change. Bukod kasi sa marami tayong isla, aminin natin na hindi pa tayo mayamang bansa kaya malaking pagsubok sa pamahalaan kapag nagkaroon ng matinding tama ng kalamidad gaya ng idinulot ni “Yolanda”.

Gayunpaman, masasabi nating mapalad pa rin tayong mga Pilipino dahil isang bansa tayo na may pagmamalasakit sa isa’t isa. Minsan pa, nakita natin ang pagdadamayan sa bilis ng pag-aksiyon ng ating mga kababayan na makatulong sa mga sinalanta ng bagyong itinuturing pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon; at kabilang sa mga pinakama­lakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Ang mga karaniwang tao, malalaking negosyante, mga sikat, hindi sikat, pulitiko, botante, at kung anu-ano pa, walang nasa isip kung hindi ang makatulong sa mga kababayan natin na nawalan ng bahay, kabuhayan at mga mahal sa buhay.

***

Hindi lang iyon, ilang araw matapos ang hagupit ni Yolanda, bumuhos din ang pakikisimpatya, pangakong tulong, donasyon at ayuda mula sa iba’t ibang bansa. Nakita natin ang malasakit ng mga bansang Amerika, Japan, Great Britain, Germany, Brunei, Canada, Singapore, France, India, Indonesia, South Korea, Saudi Arabia at iba pa.

Maging ang mga bansang nakairingan natin na Taiwan at China, ay nagbigay din ng kanilang ambag na pagtulong. Isama pa natin diyan ang Hungary, Brazil, Czech Republic, Turkey, S. Africa, Spain, Sri Lanka, Sweden, Ukraine, Slovakia, ang Vatican at marami pang ibang bansa na hindi mo aka­laing mapapansin ang Pilipinas.

Hindi lang ang mga local celebrity natin ang kumilos at dumamay sa mga nasalanta ng kalamidad, kundi maging ang mga international celebrities gaya nin Justin Bieber, Celine Dion, Jennifer Lopez, Scarlett Johansson, One Direction, Journey, Katy Perry at marami pang iba.

Bukod sa malasakit ng mundo sa mga Pilipino, isa pang dahilan kung bakit mapalad tayo ay dahil si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nakaupo ngayon. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, matitiyak na hindi mawawaldas at mapupunta sa dapat na puntahan ang anumang tulong at donasyon para sa mga sinalanta ng mga kalamidad -- isa ring rason kung bakit madami ang tumutulong, as in tiwala ang lahat world leaders sa kanyang liderato.

Katunayan, bilang bahagi ng transparency sa mga tulong na nanggagaling sa ibang bansa, isang website ang inilaan para dito upang makita ng mga tao -- hindi lang sa Pilipinas kung hindi ng buong mundo -- kung magkano ang donasyon na pumapasok sa bansa at kung saan ito gagamitin para sa rehabilitasyon ng sinalanta ni Yolanda.

Ngunit bukod sa mga lugar na winasak ni Yolanda, maglalaan din ang Kongreso at pamahalaan ng kaukulang pondo para sa rehabilitasyon ng iba pang lugar na napinsala ng iba pang kalamidad gaya ng lindol sa Cebu at Bohol, gulo sa Zamboanga City, at bagyo sa Central Luzon.

Sa ngayon, bumuo na si PNoy ng task group o lupon na mamamahala sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ni Yolanda. At gaya ng mga nagdaang kalamidad na pinagdaanan ng mga Pinoy kabilang na ang bagyong ‘Pablo’ na tumama sa Mindanao, tiyak na malalampasan din natin ang mga pagsubok na naranasan natin ngayong taon. Basta sama-sama, walang iwanan sa pagbangon ng Pinoy!
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: