Walang magawa sa buhay!
Kahit hindi nagkulang sa paalala sa peligrong bitbit ng Super Typhoon “Yolanda”, at pagsisikap na mahatiran kaagad ng tulong ang milyun-milyong sinalanta, marami pa rin ang pumuna sa naging pagkilos ng pamahalaan sa mga unang araw ng pagtama ng bagyo.
Ang masaklap lang nito, sa kabila ng pagiging abala ng marami na tumulong sa mga biktima ng kalamidad, mayroong ilan na abala naman sa pag-iisip kung papaano sisiraan ang gobyernong Aquino.
Kamakailan lang, para akuin ang buong responsibilidad at pananagutan sa paghahatid ng mga tulong sa mga biktima ni “Yolanda”, personal nang pinangasiwaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang relief operations. Sabi niya, mananatili siya sa lugar na sinalanta ng bagyo hangga’t hindi niya nakikitang bumubuti na ang kalagayan ng mga tao roon.
Kung tutuusin, handa naman at tanggap ng Palasyo ang mga kritisismo kung makakatulong iyon para mapabuti pa ang pagkilos ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis. Pero ibang usapan na kung ang mga banat ay para lang makabanat at sinasamantala ang paghihirap ng marami para siraan lang ang administrasyon.
Hindi na rin naman bago ang ginawang ito ni PNoy na maging “hands-on” sa mga bagay na nais niyang magawa agad nang tama. Hindi ba’t ilang araw din siyang nanatili sa Zamboanga City nang mga sandaling nakikipagbakbakan ang tropa ng pamahalaan sa mga lumusod na kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Nang yanigin ng malakas na lindol ang Bohol at Cebu, nagtungo rin siya at natulog sa Bohol para personal na makita rin ang ginawang pagkilos ng gobyerno para maibalik kaagad sa normal ang buhay ng mga napinsalang mamamayan.
At kung pagbabasehan ang nangyari sa Zamboanga at Bohol na tinutukan ni PNoy ang operasyon, naging positibo ang resulta at madaling naisakatuparan ang mga dapat na maisagawa. Kaya naman ngayong nakatutok siya sa mga sinalanta ni “Yolanda”, makakaasa rin ang mga kababayan natin doon na mas magiging mabilis ang hakbang ng pamahalaan para makabalik sila sa normal nilang pamumuhay.
***
Ang kaso nga lang, tila may ibang hindi gustong mapabilis ang pagbangon ng ating mga kababayan. Sila rin ang taong tila ayaw yatang magtagumpay si PNoy at ang pamahalaan na maibalik kaagad sa normal ang mga sitwasyon sa mga sinalanta ng kalamidad, animo’y masaya kapag naghihirap ang mamamayan.
Mantakin niyo, habang abala ang marami sa pag-iisip ng kanilang magagawa para makatulong, mayroon naman abala rin sa pag-iisip kung papaano makakagulo at masisiraan si PNoy at ang gobyerno.
Gayunpaman, sa kabila ng limitadong kagamitan, ginagawa ng mga tauhan ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para maihatid ang pangangailangan ng mga kababayan nating biktima ng kalamidad. Napakalaking tulong din ng ayudang ibinibigay ng mga bansang nagmamalasakit sa ating mga kababayan.
Pero kamakailan lang, tinawag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte ang pansin ng US cable news channel na CNN dahil sa kumakalat na peke at mapanirang mga larawan na nais palabasin na namumulitika si PNoy sa pagtulong sa ating mga kababayang biktima ng trahedya.
Simple lang ang pakay ng may pakana ng naturang larawan na may username na “Male22maroon”, ipakalat ang pekeng mga larawan at siraan si PNoy sa harap ng ginagawang pagsisikap ng Pangulo na matulungan ang mga biktima ni Yolanda.
Kung sino ang posibleng nasa likod ng ganitong demolition job kahit malayo pa ang eleksiyon at hindi naman kakandidato si PNoy sa 2016 presidential elections, ika nga e, “your guess is as good as mine”. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment