Friday, November 29, 2013

Dagdag-trabaho!



Dagdag-trabaho!
Rey Marfil

Sa tulong ng matuwid na daan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, magagarantiya natin na gagawin ng administrasyong ito ang lahat para maibigay ang hustis­ya sa mga biktima ng Maguindanao massacre.

Malinaw naman ang paninindigan ng Ehekutibo na tiyakin na labanan ang mga pagtatangka na antalain ang paglilitis sa gitna ng pahayag ni Judge Jocelyn Solis na humahawak sa kaso na pipiliting maibaba ang desisyon bago matapos ang termino ni Pangulong Aquino sa Hun­yo 30, 2016.

Simula’t sapul, klarung-klaro naman ang posisyon ng pamahalaan na magkaroon talaga ng mabilis na resolus­yon ang kaso. Kaya’t walang dapat ipagduda sa liderato ni PNoy na hinubog ng mga magulang sa makatwirang pamumuhay at pamumuno.

Ngunit, dapat nating unawain na hindi lamang nasa kamay ni PNoy o sinumang opisyal ng Malacañang ang mabilis at matagumpay na pagsusulong ng kaso laban sa mga akusado lalo’t nasa korte na ito.

Alam ni Mang Kanor, sampu ng mga kapitbahay nito na lubhang komplikado ang kaso na kinasasangkutan ng napakarami at maimpluwensiyang mga personalidad. Talagang maaapektuhan ang takbo ng malaking bilang ng mga saksi, akusado at testimonya na kailangang marinig.

Pero dapat ipagbunyi ang mahigpit na tagubilin ng Pa­ngulo sa mga kasapi ng prosekusyon na tiyaking hindi magtatagumpay ang mga taktikang nagpapatagal na ginagawa ng mga kalaban.
Ibig sabihin, masidhi ang paninindigan ng pamahalaan na kontrahin at palagan ang kahit maliit na hakbang na pahabain ang paglilitis.
***
Sa pamamagitan ng National Economic and Deve­lopment Authority (NEDA), inaprubahan ni PNoy ang pitong proyekto na may kinalaman sa imprastraktura, transportas­yon at pangkalusugan na nagkakahalaga ng P184.2 bilyon upang isulong ang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio B. Coloma Jr., inaprubaha­n ng NEDA Board ang pitong proyekto kung saan ipatutupad ang anim dito sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program.

Layunin ng mga proyekto na gumagawa ng mga bago at isagawa ang rehabilitasyon ng pangunahing imprastraktur­a sa mga paliparan, light rail transits, ospital at iba pa para maisulong ang pangunahing serbis­yo at komersiyo.

Una sa listahan ng proyekto ang P64.9 bilyong LRT Line 1 South Extension Project na magdurugtong ng ektensiyon ng LRT Line 1 South.

Kasunod dito ang MRT 7 Project na nagkakahalaga ng P62.7 bilyon kung saan isasagawa ang konstruksyon ng 22.8 kilometrong rail system mula North Avenue patungong San Jose del Monte, Bulacan.

Ikatlo sa programa ang LRT Line 1 North Extension Program/Common Station na nagkakahalaga ng P1.4 bil­yon. Layunin nitong magkaroon ng “common station” ang LRT 1, MRT 3, at MRT 7 at maitayo ang tinatawag na road-based transportation systems.

Ikaapat sa proyekto ang Mactan-Cebu International Airport New Passenger Terminal Project na nagkakaha­laga ng P17.5 bilyon. Nakahanay rin ang Development Transportation System sa FTI at Philippine Reclamation Authority area.

Magsisilbi ang FTI na SLEX Terminal sa FTI property sa Taguig para pagsilbihan ang mga pasaherong bumibiyahe patungo at pabalik ng Laguna at Batangas. Mapupunta naman ang South Coastal Road Terminal sa PRA property beside Asia World Uniwide sa Manila-Cavite Expressway sa Parañaque City para sa mga pasaherong nag­lalakbay sa Cavite.

Inaprubahan rin ng NEDA Board ang P5.6 bilyong mo­dernisasyon ng Philippine Orthopedic Center. Kasama sa proyektong ito ang pagtatayo ng 700-bed na tertiary orthopedic hospital sa loob ng National Kidney and Transplant Institute Complex sa East Avenue, Quezon City.

Ikapito ang Bulacan Bulk Water Supply Project na panukala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nagkakahalaga ng P24.4 bilyon para tiyakin ang malinis na suplay ng tubig sa lalawigan ng Bulacan.

Dahil dito, matitiyak natin ang karagdagang mga trabaho sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy na labis na kailangan matapos sumalanta ang mga kalamidad sa bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: