Bato lang ang ‘di maantig! | |
bangkay sa bangketa at mga buhay na naghahanap ng nawawala nilang mahal sa buhay, o ng pagkain para manatili silang buhay. Ganito ang sitwasyon sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda gaya ng Tacloban City sa Leyte. At sa ganitong sitwasyon, walang puwang ang mga manhid at intrigero.
Sa panibagong pagkakataon, ipinakita muli ng kalikasan ang kanyang puwersa -- hindi lang sa ating mga Pilipino kung hindi sa buong mundo. Ipinaalala niya na kaya niyang burahin sa mapa ang isang barangay, lungsod, lalawigan o ang isang bansa sa isang iglap.
Hindi nagkulang ang pamahalaang Aquino sa pagbibigay ng babala sa lakas at peligrong kayang gawin ni Yolanda. Katunayan, isang araw bago ang inaasahang pagtama niya sa kalupaan, nagbigay ng nationwide address si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para muling manawagan sa lahat na magkaisa at makiisa upang makaiwas sa sakuna. Gayunman, hindi natin malalaman ang tunay na epekto ng bagyo hangga’t hindi natin siya nararamdaman at marami sa ating mga kababayan na nalaman ang bangis ni Yolanda.
Marahil sa mga dalubhasa na nag-aaral sa iba’t ibang uri ng bagyo, masasabi nilang “perfect storm” si Yolanda. Bukod sa malakas na hangin at maraming ulan, nagdala rin si Yolanda ng tubig mula sa dagat na tinatawag na “storm surge”. Sa mga lugar, naranasan ang pag-ahon ng tubig-dagat sa kalupaan na umabot ng hanggang 10 talampakan, may nagsasabing dapat palitan na ang tawag sa “storm surge” sa salitang higit na madaling mauunawaan ng publiko.
Marahil, puwedeng ipalit dito ang tawag na “sea surge” o “wave surge”, na sa simpleng paliwanag ay pag-apaw ng dagat dahil sa puwersa ng hangin. Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng “storm surge” kapag may mga bagyo. Iyon nga lang, nabigyan na siya ng lubos na pansin dahil nakita natin ang matindi nitong epekto dahil kay Yolanda.
Marami kasing kaso ng “storm surge” na ang karaniwang pinsala lang ay mga nasisirang bahay sa tabing-dagat dulot ng paglakas ng hampas ng alon. Bibihira ang naiuulat na nasawi sa “storm surge” dahil nakalilikas na sa mas ligtas na lugar ang nakatira sa tabing-dagat bago pa man lamunin ng alon ang kanilang kabahayan. Pero sa kaso ni Yolanda, umabot hanggang sa kabayanan ang dagat na mistulang “tsunami”.
***
Ang pagragasa ng dagat ang hindi inasahan ng ating mga kababayan kahit pa karaniwan na nilang nararanasan sa panahon ng bagyo na may malakas na hangin at ulan... pero walang pag-apaw ng dagat. Ang resulta, ang pagkawala ng maraming buhay.
Ngunit kung hindi marahil naging maigting ang pagbibigay ng babala ng pamahalaan at pagpapakalat ng media ng kaukulang impormasyon, baka mas marami pa ang nasawi kung pagbabatayan ang delubyong ipinakita ni Yolanda.
Kilala ng publiko ang ating PNoy na lubhang nagbibigay pahalaga sa buhay ng mga tao. Nakita natin iyan sa nangyaring pag-atake ng ilang tagasunod ni Nur Misuari sa Moro National Liberation Front sa Zamboanga City.
Kahit maaari namang salakayin ng tropa ng pamahalaan ang posisyon ng MNLF upang matapos kaagad ang krisis, mas binigyang halaga ni PNoy ang buhay ng mga bihag na sibilyan at maging ng mga kasapi ng MNLF na posibleng nalinlang lamang ng kanilang mga pinuno. Inabot man ng tatlong linggo ang krimen, iilan lang ang buhay ng sibilyan ang nasayang.
Kaya hindi natin masisisi si PNoy kung maging emosyonal siya sa tindi ng pinsala ni Yolanda at sa posibleng dami ng buhay na nawala. Tao ang ating Punong Ehekutibo, may damdamin at malasakit sa buhay ng bawat isa. Kaya hindi rin kaiga-igaya na makarinig sa ganitong pagkakataon ng mga mang-iintriga at mag-iimbento ng espekulasyon sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga nakaligtas sa delubyo.
Sa halip na maghanap ng maipansisisi sa gobyerno, mas makabubuting maghanap ng paraan kung papaano makatutulong sa mga sinalanta nating kababayan. Kung wala ring lang maitutulong, makabubuting manahimik at magdasal, at nang hindi na makadagdag sa problema.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment