Wednesday, November 27, 2013

Walang pulitika!




Walang pulitika!
REY MARFIL


Maganda ang naging tugon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga hamong iniwan ni super typhoon Yolanda, nagkataon nga lamang na likas sa pag-uugali ng mga kritiko at mga taong walang magawa sa buhay ang maghanap ng butas.

Ang masakit sa lahat, kung sinu-sino ang umaastang henyo sa trahedyang dala ni Yolanda gayong wala namang maisip na paraan para makatulong sa mga nasalanta, maliban sa dumakdak at ngumawa sa social media habang nakahiga sa kuwartong air-conditioned at malambot na kama.

Sa katunayan, nagpahayag ng pasasalamat si Leyte Gov. Dominic Petilla sa administrasyon ni Pangulong Aquino dahil sa tulong na ibibigay sa kanyang lalawigan para makabangon matapos ang pananalanta ng bagyo, dangan lamang hindi makita ng mga “maiingay” sa facebook at iba pang uri ng social media.

Positibong bagay rin ang buong suporta ng lalawigan sa mga inisyatibong isinusulong ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Kaya’t ‘di maiwasang mag-isip ni Mang Kanor kung sadyang “mutain” o bulag ang mga kurimaw kaya’t hindi nakikita ang magandang ginagawa ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ni Tacloban City Administrator lawyer John Tecson Lim, sobrang pasasalamat ang ipinaabot nito sa pambansang pamahalaan o national government dahil sa malaking suportang ibinibigay sa lungsod, malinaw ang mensaheng ipinakita ni PNoy na walang pulitika kahit pa pilit iniintriga ng iilan at bigyang kulay ang magkaibang partidong kinabibilangan.

Nangangahulugan na sobrang nakikita ng lokal na pamahalaan ng Tacloban City ang malaking tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa kanilang lugar. At mismong si PNoy, namalagi ng apat sa Tacloban. Unang binisita noong Nobyembre 10, pinakahuli nakaraang Nobyembre 17 hanggang 19, as in dalawang gabing natulog sa lungsod ang Pangulo.

***

Napag-usapan ang trahedya, mabilis ang pagkilos na isinasagawa ng pamahalaang Aquino para makabangon at maka­balik sa normal na buhay ang mga taong nabiktima ni super typhoon Yolanda, bitbit ang buong puwersa ng gobyerno.

Magandang balita rin ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na hindi masyadong maapektuhan ng bagyo ang takbo ng ekonomiya ng bansa at posibleng mamantina ang pinupuntiryang paglago nito.

Isa pang good news ang paglulunsad ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Dinky Soliman sa programang “Food-for-Work” sa Tacloban City, isa sa mga lugar na grabeng sinalanta ng bagyo. Sa pamamagitan ng sistemang ito, hindi “isda” ang ipinamimigay ng gobyerno kundi “tinuturuang mangisda”, as in pagtatrabahuan ang nakukuhang benipisyo.

Naunang binuo ng Economic Development Cluster of the Cabinet ang interagency task force upang magsagawa ng agarang aksiyon sa muling pagbuo ng mga nasirang pasi­lidad, pagbabalik ng sosyal na serbisyo at muling pagbuhay sa mga aktibidad sa komersiyo at negosyo sa mga rehiyong tinamaan ni Yolanda.

Hindi ba’t nakakatuwa rin ang paniniyak ng Malacañang kaugnay sa tuluy-tuloy at walang puknat na pagkakaloob ng relief goods sa mga nasalanta, isang patunay ang ipinakitang pagtitiwala ng buong mundo sa kasalukuyang gobyerno o administrasyon para ipamahagi ang mga donasyon sa tunay na apektado at nangangailangan nito.

Magandang bagay din ang desisyon ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) na luwagan ang mga kailangan sa visa at work permit para sa mga banyagang volunteers na nagnanais na tumulong sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: