Sino ang kontrabida?
Ngayong tapos na ang halalang pambarangay, tiyak na balik na muli ang atensiyon ng mga kritiko ng administrasyong Aquino sa kontrobersiyal na usapin ng pork barrel fund at Disbursement Acceleration Program (DAP). Pero papaano naman ang rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng mga nagdaang kalamidad?
Marahil habang abala si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at kanyang mga opisyal sa pagpaplano kung papaano maibabalik sa normal ang buhay ng mga taong sinalanta ng baha sa Luzon, panununog sa Mindanao at lindol sa Visayas, mayroon namang iba ay abala sa pag-iisip kung ano pa ang puwede nilang gawin para siraan ang gobyerno.
Sa naging resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia na nagpapakita na hindi naapektuhan ng kontrobersiya ng pork barrel ang tiwala ng publiko kay PNoy, tiyak na lalo pang magiging agresibo ang mga kalaban ng gobyerno sa pagbatikos sa DAP na idinidikit nila sa Pangulo.
Sa isa pa kasing survey na gawa naman ng Social Weather Station, bagaman natapyasan ang trust rating ni PNoy dahil sa isyu ng pork barrel scandal, nananatili pa ring mataas (mula sa “very good” ay naging “good”) ang marka ng Pangulo.
Isa pa malamang sa makakadagdag sa ngitngit ng mga kritiko ni PNoy ay ang naging pananaw ng ilang foreign correspondents na tila “Teflon” o hindi na tinatablan ng paninira ang Pangulo. In short, kahit anong puna at kritisismo kay PNoy ay tila hindi na pinaniniwalaan ng publiko kaya nananatiling mataas ang nakukuha niyang marka sa pamamahala at tiwala ng bayan.
Kaya naman hindi magiging kataka-taka kung paigtingin pa ngayon ng mga kritiko ng administrasyon ang pagtuligsa sa DAP at iba pang pondo na galing sa Office of the President na magagamit sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Gaya na lamang ng calamity at contingency funds at DAP na itinuturing ng iba na pork barrel daw ni PNoy. Nais nilang palabasin na lahat ng “discretionary funds” o pondong maaaring gamitin sa basbas ng Pangulo ay “pork barrel” na gaya ng kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mga mambabatas.
***
Kahit ilang beses nang naipaliwanag ng mga opisyal na iba ang DAP sa PDAF, may mga nagpipilit pa rin na palabasin na iisang kulay ito para kainisan ng mga tao. Maging ang calamity at contingency funds na ginagamit sa mga kalamidad ay ginagawang intriga sa pamamagitan ng pagkuwestiyon kung saan napunta ang pondo. Aba’y hindi ba nila nabalitaan ang mga kalamidad na nangyari sa bansa tulad ng malalakas na ulan kahit Habagat pa lang at wala pang bagyo?
Hindi ba nila napanood sa telebisyon o napakinggan sa radyo kung ilan ang mga taong lumilikas at kailangang pakainin at tulungan sa mga evacuation centers? Aba’y hindi rin naman maipapagawa ang nasirang kalsada o tulay dahil sa baha o lindol o iba pang uri ng kalamidad kung hindi popondohan ng gobyerno.
At sa lahat ng naging pinsala sa pagbaha na naganap sa Central Luzon dahil sa mga pag-ulan, ang pinsalang nangyari sa pagsalakay ng ilang kasapi ng Moro National Liberation Front (MILF) sa Zamboanga City, at pinsalang idinulot ng lindol sa Visayas, malaking pondo ang kakailanganin ng pamahalaang Aquino para maisaayos ang mga lugar na naapektuhan sa lalong madaling panahon.
Nasabi na ni PNoy na kabilang sa paghuhugutan ng pondo para sa rehabilitasyon ang savings o naipon na pondo ng gobyerno na siya ring sinasabing pinagkunan ng DAP. Kung magagawa kaagad ni PNoy ang kanyang hangarin na maibangon ang mga napinsalang lugar, natural na matutuwa ang mga tao sa kanya.
Bagay na tiyak na hindi naman ikatutuwa ng mga kritiko ni PNoy kaya asahan na gagawa rin sila ng paraan para maantala ang rehabilitasyon sa mga nasalantang lugar para may maipupuna at maipipintas pa rin sila sa Pangulo at palabasin na hindi sila ang kontrabida sa ganitong sitwasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment