Laway lang!
Makatwiran at nararapat ang pahayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi titigilan ng pamahalaan ang mga nasa likod ng katiwalian na nambulsa ng milyun-milyong halaga ng pork barrel.
Dapat suportahan ng publiko si Pangulong Aquino sa paghahabol sa mga nasasangkot sa maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF). Hindi tamang binabaligtad ng mga nasasangkot ang isyu para makaiwas sila sa pananagutan.
Samahan natin ang Pangulo sa kanyang paglaban para sa prosekusyon at pagpapabilanggo ng mga pulitikong nambulsa talaga ng pondo ng taumbayan.
Umaasa ako na magkakaroon ng malusog at matalinong diskusyon ang mga tao sa nangyayaring mga isyu para malaman ang katotohanan.
Naniniwala si Mang Kanor sa katalinuhan ng publiko na ihiwalay ang katotohanan sa kasinungalingan lalo’t kitang-kita ang dedikasyon ni PNoy na labanan ang katiwalian sa bansa.
Hanggang sumusuporta ang maraming Pilipino sa Pangulo, sigurado tayong magtatagumpay ang ginagawa niyang kampanya sa pagsugpo ng kahirapan.
Dahil nakikita naman ang malaking reporma at pagbabago, siguradong mananatili sa tabi ng Pangulo ang publiko. At ngayong magkakasunod ang kalamidad -- dito makikita ang kahalagahan ng social funds na binabatikos ng mga nagmamagaling sa pamamalakad.
Kung wala ang calamity fund na pilit pinapalabas ng mga kritiko ni PNoy na isang dambuhalang pork barrel, paano tutulungan ng gobyerno ang mga tinamaan ng lindol sa Bohol, pinaka-latest ang milyong Pilipino na binayo ni Yolanda sa Visayas region. Kahit ipaputol pa ni Mang Kanor ang lahat ng daliri sa kamay at paa nito, napakalaking kalokohan kung magpapaluwal o aabonohan ng mga kritiko ng Pangulo ang panggastos, eh puro laway lang sa harap ng camera ang alam ng mga ito!
Tama ring idepensa ng Pangulo sa kanyang talumpati ang paggamit ng Disbursement Acceleration Program (DAP) dahil mahalaga ang nagawa nito sa ekonomiya sa pamamagitan ng tamang paggugol katulad ng konstruksiyon ng iba’t ibang mahahalagang mga imprastraktura, technical training programs at rehabilitasyon ng Zamboanga City.
***
Sapantaha ni Mang Gusting, bunga lamang ng hindi “accurate” na pananaw ang resulta ng pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na nagsasabing tumaas sa 400,000 ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na ikinonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap sa nakalipas na tatlong buwan.
Base sa resulta ng SWS survey, lumabas na 50 porsiyento ng pamilyang Pilipino o 10.8 milyon ang inilarawan ang kanilang mga sarili na mahirap, bahagyang mataas kumpara sa naitalang 49% o 10.4 milyon noong nakalipas na Hunyo.
Hindi talaga ito ang makatotohanang kalagayang pang-ekonomiya ng bawat pamilyang Pilipino.
Higit na nakakalungkot dito ang pagkakaroon ng mistulang “standard” o pamantayang sagot ng bawat Filipino na sumasagot na “katulad pa rin ng dati” ang kanilang buhay tuwing tinatanong ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya.
Nababago lamang ang ganitong sagot kung talagang nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay na para bang tumama sa lotto.
Ibig sabihin, nagiging bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagsagot ng “walang pinagbago”.
Gayunpaman, asahan nating pinag-aaralang mabuti ng administrasyong Aquino ang resulta ng survey upang mas lalo pang mabigyan ng magandang oportunidad sa buhay ang mga mahihirap.
Ikonsidera rin natin na limitado ang oportunidad sa trabaho sa sektor ng konstruksiyon dahil isinagawa ang survey sa kasagsagan ng tag-ulan na pinatindi pa ng suliraning dala ng natural na mga kalamidad katulad ng bagyo at lindol.
Kaya talagang mabigat ang mga panahon na iyan, hindi natin maaasahan masyado na bubuti ang lagay ng mga oportunidad mula Hunyo hanggang Setyembre para sa ilang sektor.
Ngunit, malaki ang paniniwala ko na sa kabila ng kontrobersiya sa pork barrel, Malampaya at DAP, magkakaroon ng magandang bunga ang mga pagsusumikap ni PNoy sa buhay ng mga Pilipino, lalung-lalo na ang mga mahihirap sa pagtatapos ng taon.
Maraming mga programa ang pamahalaan para maisulong ang kagalingan at interes ng mga mahihirap katulad ng Philhealth, patuloy na pagtaas sa badyet ng conditional cash transfer (CCT) at iba pa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment