Wednesday, November 20, 2013

Dumamay na lang!




                                         Dumamay na lang!


Kasabay ng pagbuhos ng tulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ay ang ginagawang pagpupursige ng pamahalaang Aquino na makapagbigay kaagad ng ayuda sa mga na­ging biktima ng trahedya. Iyon nga lang, sa gitna rin ng mga pagsisikap ay hindi rin nawawala ang mga pambabatikos at paninisi.

Ang pagdaluyong ng tubig-dagat at malakas na ha­ngin at ulan na dinala ni Yolanda sa kalupaan ay tinapatan naman ng pagbuhos ng tulong mula sa ating mga kababa­yan at maging ng ibang bansa.
Pero dahil sa matinding pinsala sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, hindi kaagad naipaabot ang tulong na hinihintay ng mga kababayan na­ting nangangailangan ng kalinga.

Sa totoo lang, nakatutuwa rin naman ang ipinakikitang pagkadismaya ng mga tao na ang hangad lang naman ay matanggap na ng mga biktima ng bagyo ang pinakahihintay na tulong. Indikasyon kasi iyon ng kanilang pagmamalasakit sa kapwa. 

Pero hindi naman yata makatwiran na ibuhos kay Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino o sa pambansang gobyerno ang bunton ng sisi kung hindi man kaagad na naiparating ang mga relief goods sa mga biktima ni Yolanda.

Sa tindi kasi ng hagupit ni Yolanda, naparalisa ang lokal na pamahalaan o LGUs sa apektadong mga lungsod at munisipalidad. Sila kasi dapat ang unang tutugon o tutulong sa mga nasalanta nilang nasasakupan, at magsisilbi rin sanang katuwang ng pambansang pamahalaan sa pamamahagi ng tulong sa kanilang mga kababayan.

*** 

Anyway, papaano makakakilos kaagad-agad ang pambansang pamahalaan kung barado ng mga troso at iba pang kalat ang mga kalsada? Wala ring komunikasyon at kur­yente dahil bumagsak ang mga poste at tower. Papaano malilinis kaagad ang mga kalsada kung walang mga gamit tulad ng traktora? Kung mayroon man masasakyan, wala namang krudo o magpapatakbo dahil aba­la ang lahat sa pag-asikaso rin sa kanilang mga kaanak na nabiktima rin ng kalamidad. Hindi kaagad nagamit ang mga pantalan dahil din sa mga nakakalat at nasira maging ang ilang paliparan.

Gaya halimbawa ng puwersa ng kapulisan sa isang lungsod na halos 10 porsiyento lamang ng mga pulis ang nakapagpakita sa kanilang himpilan dahil ang 90 porsiyento sa kanila ay kailangan ding asikasuhin ang kani-kanilang pamilya at mga kamag-anak na biktima rin ng bagyo. 

May isang mag-asawa sa Ormoc City na naging abala sa pagtulong sa iba ng kasagsagan ng pananalasa ni Yolanda, at pag-uwi nila, masamang balita ang kanilang dinatnan dahil nasawi na pala ang kanilang anak dahil sa bagyo.

Ganito ang sitwasyon sa maraming lugar sa mga sinalanta ni Yolanda sa Samar at Leyte, sa Iloilo at Capiz. Hindi pangkaraniwang pinsala ang inabot nating trahedya kung ikukumpara sa nakasanayan na nating mga bagyo na nagdudulot lamang ng baha at pagbagsak ng puno sa iilan lang na lugar na kayang pagtuunan kaagad ng atensiyon ng lokal na pamahalaan at suportado ng pambansang gobyerno.

Madaling maghanap ng masisisi, madaling sabihin ang mga nasa isip na gustong gawin; pero ibang usapan na kung ikaw ang nasa mismong lugar ng trahedya at batid mo ang limitas­yon na maaaring gawin.

Gaya ng pagbilang ng isa hanggang sampu, kailangan munang magbilang ng apat na numero bago marating ang nasa gitnang numero na lima kung sisimulan ang pagbibi­lang sa isa (pataas) o sa 10 (pababa).  

Ganito rin ang sitwasyon sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda na kailangan munang daanan at linisin ang mga kalsada, ang mga pantalan at paliparan para marating ang pakay na lugar para maihatid ang tulong sa mga unang araw ng trahedya.

Sa kabila ng limitadong kagamitan ng gobyerno sa harap ng napakatinding trahedya na ikinagulat maging ng buong mundo, ginagawa ni PNoy at mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang lahat ng kanilang magagawa para maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan. At sa dalang tulong at kagamitan ng ibang bansa, maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.

Kapit lang mga kababayan, walang bibitiw at sama-sama tayong babangon gaya ng ginawa na natin sa mga nagdaang pagsubok. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: