Monday, December 2, 2013

Makakabangon!



Makakabangon!
REY MARFIL


Dapat makahugot ng pag-asa at inspirasyon mula sa mahusay na pagkapanalo ng Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang ating mga kababayang subsob ngayon sa buhay dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong ‘Yolanda’.

Pero huwag isipin na ang biyayang ibibigay ni Pacquiao sa mga nasalanta ng bagyo ang dapat magbigay sa kanila ng panibagong lakas para makaahon sa kanilang kinalalagyan ngayon. 

Bagaman malaking tulong ang anumang bagay na maibibigay ng Pinoy boxing icon, higit na dapat maging inspirasyon sa ating mga kababayan ang muli niyang tagum­pay matapos ang dalawang sunod na kabiguan.

Bago ang ginawang pagbugbog ni Pacquiao sa mas ma­laking nakatunggali na si Brandon ‘Bambam’ Rios sa Macau noong Linggo, natalo muna si Pacman kay Timothy Bradley na dahilan para maagaw sa kanya ang korona. 

Naging kahindik-hindik naman ang sumunod na pagka­talo ni Pacquiao nang literal na patulugin at pahalikin siya sa lona ng Mexican great na si Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 2012.

Sa kabila ng dalawang kabiguan -- lalo na ang mala-halimaw sa banga na suntok ni Marquez -- hindi nawalan ng pag-asa ang ating kababayang si Pacquiao. Sa halip, ang kabiguan na iyon ay ginamit niya para higit na maging mahusay na boksingero at naipakita niya iyon sa ginawang pagdomina sa laban nila ni Rios.

Marahil kung ibang boksingero si Pacquiao na mahina ang paniniwala sa sarili at walang sampalataya sa kanyang Lumikha, aba’y baka naging lasenggo na si Pacman at araw-araw na tumotoma para makalimutan ang nakakahiyang pagkatalo niya kay Marquez. Pero iba ang Pinoy, kaya nating malampasan at tawanan ang mga pagsubok na ating pinagdadaanan.

Sa laban ni Pacquiao kay Rios, kapuna-puna na naging maingat na siya sa pagsugod kapag matatapos na ang round. Kapag naghahamon ng bugbugan o sabayan si Rios, hindi iyon kinakagat ni Pacquiao at sa halip ay sinunod ang kanyang game plan na ikutan, suntukin, at ikutan si Rios. 

Tandaan na patapos na ang round nang nahagip ng ma­tinding banat ni Marquez sa panga si Pacquiao; at sa mga nagdaang round ay lamang ang ating kababayan kaya kung tutuusin ay walang dahilan noon si Pacman para mag-apura. Kaya nga tingin ng marami, naging pabaya noon si Pacman at pinagbayaran niya iyon ng malaki.

***

Napag-usapan ang pagbangon, ‘ika nga ni Mang Kanor: ang nakaraan ay nakaraan na. Nakabawi na si Pacquiao at pinatunayan niya na may ibubuga pa siya at hindi pa dapat mag­retiro gaya ng sinasabi noon ng kanyang mga kritiko. Ganito rin ang dapat na maging pananaw ng ating mga kababayan na sinusubok ngayon ang katatagan.

Hindi na natin maibabalik ang mga mahal sa buhay na nawala at mga gamit na nawasak ng kalamidad, pero ang bawat isa na nakaligtas sa hagupit ni ‘Yolanda’ ay dapat magpatuloy sa kanilang buhay; hindi lang para sa sarili kung hindi para sa ibang mahal sa buhay na kasamang nakaligtas sa trahedya -- kapamilya man iyan, kaibigan o kapitbahay.

Dahil sa pagkakataong ito, mahalagang magpakita ng tibay para may paghugutan ng lakas ang mga katulad na Yolanda survivors na pinanghihinaan ng loob.

Dapat ding tandaan na hindi sila nag-iisa sa kanilang pagbangon. Gaya ni Pacquiao, hindi niya magagawang makabawi sa kanilang laban kay Rios kung wala ang tulong ng ibang tao, gaya ng kanyang pamilya, mga kaibigan, mga tagasuporta, mga tauhan at tagasanay.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: