Monday, September 30, 2013

Parating si Barack!



Parating si Barack!
REY MARFIL


Magandang balita ang planong pagbisita sa Pilipinas ni United States President Barack Obama na bahagi ng kanyang apat na bansang pagbiyahe sa Association of South East Asian Nation (ASEAN) mula Oktubre 6 hanggang 12.
Pinagbigyan ni Obama ang imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na bumisita sa Pilipinas sa Oktubre 11 at 12.
Makikipagkita si Obama kay PNoy upang talakayin ang mga paraan para lalong mapalakas ang alyansa ng Pilipinas at US, kabilang ang pagpapalawak sa pagkakaisa ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad, ekonomiya, at iba pa.
Bibiyahe rin si Obama sa Indonesia, Brunei at Malaysia bago tumungo sa Pilipinas mula Oktubre 6 hanggang 12 bilang bahagi ng kanyang paninindigan na palakasin ang alyansang pulitikal, ekonomikal at panseguridad ng US sa Asya-Pasipiko.
Katulad ni PNoy, magtutungo si Obama sa Indonesia para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders meeting. Take note: Ito ang ikaapat na paghaharap o one-on-one meeting nina Barack at PNoy, hindi pa kabilang ang meeting sa taunang APEC at ASEAN summit, sa nagdaang tatlong taon.
Sa Brunei naman, dadalo din si Obama sa US-ASEAN Summit at the East Asia Summit (EAS), at makikipagkita sa Sultan ng Brunei, as in makakadaupang palad din si PNoy bago ang pagbisita sa Pilipinas.
Kapag i-flashback ang mga kaganapan, hindi ba’t makailang beses hinabul-habol ni Mrs. Arroyo si Obama para makausap, subalit bigo ang detinidong Pangulo, ito’y hindi lingid sa kaalaman ng MalacaƱang reporters kabaliktaran sa panahon ni PNoy na tatlong beses nag-one-on-one meeting, pinakahuli ang working visit sa White House noong nakaraang taon.
Bibisita rin ang lider ng US sa Malaysia para maki­pagkita kay Prime Minister Najib kung saan inaasahang tatalakayin ang lumalaking bilateral ties ng US sa Malaysia at makapagbigay ng kanyang pahayag sa Global Entrepreneurship Summit.
Magiging huling destinasyon ni Obama ang Pilipinas, ang ikalimang bansang kaalyado ng US sa Asya na dadalawin nito sa ilalim ng kanyang Panguluhan.
Inaasahang makikipagkita si Pangulong Obama kay Pangulong Aquino upang palakasin pa ang alyansa ng bansa sa US sa usapin ng ekonomiya, seguridad at marami pang mahahalagang bagay.
***
Anyway, tama ang pagdidiin ni PNoy na pangunahing pakay ng kanyang pagbisita sa Zamboanga City ang preserbasyon ng buhay ng mga tao. Nagkaloob rin ang Pangulo ng morale boost sa puwersa ng pamahalaan na patuloy na nakikipaglaban at iniaalay ang kanilang buhay upang labanan ang karahasan.
Makatwirang saluduhan ang administrasyong Aquino dahil ginagawa ang lahat para protektahan ang evacuees sa Zamboanga City na naapektuhan ng kaguluhang pakulo ng mga kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa paksyon ni Nur Misuari.
Nangunguna sa pagkakaloob ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ka­tulad ng pagkain at iba pang pangunahing suplay sa evacuation centers.
Naglagay na rin ang DSWD-NCR ng desk center para tugunan ang pangangailangan ng stranded nating mga kababayan na patungong Maynila.
Talagang tinitiyak ni PNoy na laging mayroong sapat na suplay ng pagkain at iba pang mga pangangailangan ang naapektuhan nating mga kababayan sa Zamboanga City.
Nanindigan rin ang Pangulo na laging aalalay ang mga ahensya ng pamahalaan para masigurong matatanggap ng evacuees ang tulong ng pamahalaan.
Sinasaluduhan natin ang ating mga sundalo at kapulisan sa kanilang matapang na pagharap sa mga kalaban kahit ialay ang kanilang mga buhay.
Nakikiramay tayo sa pamilya ng mga puwersa ng pamahalaan at mga sibilyan na namatay sa patuloy na karahasan sa Zamboanga City. 
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: