Friday, September 20, 2013

May gusto ring ‘pumicture’




May gusto ring ‘pumicture’
REY MARFIL

May kasabihan na “a picture paints a thousand words”.
Kaya naman marahil marami sa ating mga kababayan ang hindi nalilimutang “mag-picture-picture ‘pag may time”.
Lalo na sa panahon ngayon na lahat ng cellphone ay may camera at may social networking sites na pagdidispliyan ng mga litrato.
Sino nga ba naman ang aayaw sa picture taking kung libre naman at wala nang binibiling “film”, at binayaran para magpa-develop. Kaya naman kapag nasa isang magandang lugar o pagtitipon, asahan na maglalabas ng cellphone ang mga tao -- hindi lang para magbasa ng text message, kundi para magpa-picture din lalo na kung may VIP o very important person.
Ganito ang nangyari sa sitwasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang dumalo sa isang pagtitipon sa Cebu na nagkataon din na dinaluhan ng pamilya ng kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles, na nadadawit sa pork barrel scandal.
Dahil pinakamataas na lider ng bansa, natural na humingi o mag-request kay PNoy ang mga tao na nasa nasabing pagtitipon, kabilang na ang mga Napoles. Isa-isa, nagpakuha ang mga ito at may group picture pa.
Ngunit nangyari ang naturang picture taking bago pa man sumikat ang pangalan ni Napoles dahil sa iskandalo tungkol sa maanomalyang paggamit umano ng ilang mambabatas sa kanilang PDAF o pork barrel funds.
At ilang araw matapos ihayag ni PNoy ang posibleng pagsasampa ng kaso laban kay Napoles dahil sa isyu ng pork barrel, biglang lumutang sa Internet ang larawan ni PNoy kasama ang anak ni Napoles. 
Ano ang motibo ng biglang paglabas ng larawan na iyon? Ang palitawing kakilala o malapit kay PNoy ang mga Napoles o pwede ring ilihis lang ang atensiyon ng publiko tungkol sa iba pang larawan ng mga Napoles na kasama ang ibang mambabatas na nadadawit sa iskandalo.
Pero anupaman ang intensiyon ng pagpapalabas ng nasa­bing larawan, inunahan na ng Malacañang ang pagpapalabas ng iba pang larawan ni PNoy na kasama ang mga Napoles nang magpakuha sila ng larawan sa Cebu.  
Sa ganitong paraan, ipinakita na walang itinatago ang gobyerno at hindi na makalikha ng malisya o kwento ang may intensiyong gumawa ng intriga sa Pangulo -- ito’y isa lamang sa magandang karakter ni PNoy na hindi nakita sa mga naupong Pangulo, partikular sa pinalitan nito.
***
Napag-usapan ang picture, matalino naman ang publiko para maunawaan ang tunay na sitwasyon sa mga nasabing larawan ng mga Napoles na kasama si PNoy. Ang pagtitipon ay hindi kapwa dinaluhan lang ng Pangulo at mga Napoles kaya aksidente lang kung tutuusin ang kanilang pagkikita.
Makikita rin na maraming iba pang tao na nagpakuha ng larawan kasama si PNoy at hindi lamang ang mga Napoles. Kung nagpapansin ang intensiyon ng nagpakalat ng larawan, masasabi nating tagumpay siya dahil kinagat naman ng media ang mga larawan.
Subalit kung nais niyang sirain ang kredibilidad ng Pangulo sa isyu ni Napoles, direkta nating masasabi na palpak ito gaya ng bantang impeachment complaint laban kay PNoy na gagawin daw ng isang mambabatas.
Papaano ipapa-impeach si PNoy sa alegasyon ng pork barrel scandal samantalang sa kanya ngang administrasyon nabisto ang matagal na palang sistema ng umano’y pang-aabuso sa pork barrel at Malampaya funds na pinaniniwalaang naging talamak noong nagdaang administrasyon.
Kung tutuusin, dapat pang hangaan at ipagpasalamat ng publiko ang makatwirang liderato ni PNoy, aba’y naglalabasan ngayon ang baho ng mga kawatan sa gobyerno at hindi pinipigilan ng Pangulo ang mga imbestigasyon, kabaliktan sa gawi ng pinalitan nito sa puwesto.
Ang resbak ni Mang Kanor: Bakit mo patatalsikin ang lider na gumagawa ng paraan para maisaayos ang gobyerno, maging lantad at mabantayan ang paggamit ng tama ang pondo ng bayan? 
Kung hindi kaisa sa magandang hangarin ni PNoy ang taong ito, baka nais lang nitong “pumiktyur” at mapansin sa isyu ng pork barrel o kaya’y i-divert ang kuwento dahil namumurong makulong ang amo nito.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: