Tamang diskarte! | |
Kasing init pa rin ng bakbakan sa Zamboanga City ng tropa ng pamahalaan at ilang kaanib ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang usapin tungkol sa umano’y pagwawaldas ng ilang mambabatas sa kanilang pork barrel fund.
Dapat lang naman na manatiling mapagmatyag ang publiko sa usapin ng pondo ng gobyerno upang hindi na maulit ang pambababoy sa kaban ng bayan na sinasabing nagawa sa pamamagitan ng mga pekeng NGOs na itinayo umano ng negosyanteng si Janet Napoles.
At sa pagpapatuloy din ng imbestigasyon sa Senado tungkol sa iskandalo ng pork barrel fund at testimonyang ibinigay ng itinuturing “taga-pito” o whistleblower na si Benhur Luy, aba’y talaga namang maaalta-presyon ka sa detalye ng hatian umano ng mga mambabatas at ni Napoles.
Ngunit bukod sa alegasyon ng pagsasalu-salo nina Napoles at ilang mambabatas sa pork barrel, lumitaw din na may ilang tauhan sa ilang ahensya ng gobyerno na may kinalaman din sa pagpapalabas ng pondo ang mistulang aso na nakatalungko sa gilid ng lamesa at naghihintay ng buto o taba ng baboy na ibabato sa kanila ng mga sumisibasib sa kaban ng bayan.
Kung tutuusin, magiging palaisipan naman talaga kung papaano nakapag-operate ng matagal ang mga pekeng NGO at nagpatuloy ang sinasabing modus ni Napoles nang hindi nalalaman ng mga kinauukulang ahensya sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
***
Napag-uusapan si Napoles, ito’y walang pinag-iba sa ginawang pag-atake sa Zamboanga ng ilang MNLF na sinasabing mga loyalist ni chairman Nur Misuari na hanggang ngayon ay palaisipan din kung ano ang tunay na pakay. Tila kasi nagkakaroon ng sabunan at paghuhugas ng kamay sa karahasang ito dahil sinasabing wala daw basbas ni Misuari ang ginawa ng kanyang mga tauhan.
Kung walang basbas ni Misuari ang pag-atake, ibig bang sabihin ay hindi siya ang kinikilalang lider ng grupo o nais lang niyang maging iwas-pusoy sa mga kasong isasampa ng gobyerno lalo pa’t marami na ang nasawi, marami na ang nawalan ng tirahan dahil sa naganap na panununog at malaking perwisyo na rin ang naging epekto sa ekonomiya ng Zamboanga.
Kapansin-pansin na tila may pagkakatulad ang nangyayari ngayon sa Zamboanga sa nangyaring kaguluhan noon sa Sabah na sinasabing kagagawan naman ng mga loyalist ng isang sultan, na sinasabi din namang mga miyembro ng MNLF, meron pang naarestong MNLF-Misuari group member na “kumantang” pinangakuan ng tig-P50 libo bawat isa at P5 libo ang down payment o paunang bayad, kapalit ang pagsama sa kaguluhang ito.
Gaya ng krisis sa Zamboanga, matatag din na hinaharap at hinahanapan ng lunas at katapusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kontrobersya ng pork barrel fund. Tiniyak niya na may dapat managot sa pag-abuso sa kaban ng bayan, tulad ng mga dapat managot sa pagkasawi ng mga tao at pinsalang idinulot ng pag-atake sa Zamboanga.
Isang malinaw na halimbawa nito ang paghahanda ng matibay na kasong isasampa ng pamahalaan sa mga sangkot sa pagbulsa ng pondo ng gobyerno. Ika nga ni Mang Kanor: Hindi puwedeng madaliin at sa bandang huli’y makakatakas sa timbangan ng katarungan ang mga kurimaw.
Hindi katulad ng nakaraang administrasyon na nagpalabas pa ng kautusan ang Palasyo para pigilan ang pagdalo ng kanilang opisyal sa pagdinig ng Kongreso para lamang mapagtakpan kung ano man ang nais nilang pagtakpan.
Ang nakalulungkot lang, sa kabila ng ipinakikitang katapatan ni PNoy na ayusin ang paggamit ng pondo ng bayan at nang hindi na maulit ang pang-aabuso, may ilan pa rin naman na panay ang ingay, at kinakasangkapan ang isyu ng pork barrel para magamit na pang-atake sa pamahalaang Aquino.
Dahil walang magamit na isyu tungkol kay PNoy, pati ang kasalanan na nangyari sa nakaraang administrasyon na nabisto na ngayon ng kasalukuyang administrasyon, nais pa rin nilang isisi kay PNoy para lang may magamit na dahilan upang makapagprotesta.
Dapat din nilang tandaan na batid ng mga mamamayan ang ginagawang pagsisikap ng kasalukuyang gobyerno na maituwid ang pagkakamali sa pork barrel fund. Kaya naman anumang pagkilos na gagawin ay isisisi pa rin kay PNoy at lalabas ng “O.A.”, at tiyak na hindi na kakagatin ng mga tao.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment