Wednesday, September 18, 2013

Leksyon at hustisya



Leksyon at hustisya
REY MARFIL


Hitik sa balita ang nagdaang mga araw dahil sa dalawang malalaking usapin na kinakaharap ng bansa ang pork barrel scandal at sagupuan ng trapo ng pamahalaan, at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zam­boanga City. Pero saan nga ba dadalhin ng dalawang insidenteng ito ang bansa natin?
Sa ngayon, umusad na ang gulong ng hustisya sa usapin ng pork barrel scandal matapos ihatid ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombusman ang mga kasong isinampa sa mga mambabatas na sinasabing sangkot sa pag-abuso ng kanilang pork barrel fund.
Kasamang kinasuhan ang kontrobersyal na negosyanteng si Janet Napoles at ilang kawani ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapalabas ng pondo.
Bagaman pamumulitika ang tingin ng ilang mambabatas na isinasangkot sa kontrobersyang ito ng pondo ng mga mambabatas, sa kabilang banda ay mabuti na rin ito para sa kanila upang maipaliwanag at maidepensa nila ang kanilang panig sa tamang forum.
Ika nga ni Mang Kanor: Kung sadyang wala silang kasalanan sa sinasabing pagwaldas ng kanilang pondo na ipinadaan sa umano’y mga pekeng non-governmental organization o NGOs ni Napoles, patunayan nila ito sa korte upang malinis nila ang kanilang pangalan.
Tutal, sa ilalim naman ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at maging sa liderato ng bagong Ombudsman, at mga mahistrado ng Sandiganbayan, nakasisigurong magkakaroon ng patas na imbestigasyon at paglilitis ang mga inaakusahan.
Pero sa dami ng mga inireklamo at bultu-bulto ng mga dokumentong gagamiting ebidensya, inaasahan na kakain ng mahabang panahon ang usaping ito sakaling irekomenda ng Ombudsman na iakyat sa Sandiganbayan.
Magkagayunman, higit na mahalaga na umusad ang kaso at may naiwang leksyon sa pamahalaan upang kumilos ito at magpatupad ng mas mahigpit na proseso sa pagpapalabas ng pondo ng bayan.
Katulad ng pork barrel scandal, tiyak na mag-iiwan din ng aral sa lahat ang sigalot ngayon sa Zamboanga na patuloy ang pag-alingawngaw ng mga putok ng baril mula sa tropa ng pamahalaan at mga kasapi ng MNLF na sinasabing tapat sa kanilang dating chairman na si Nur Misuari.
Sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino na makamit ang kapayapaan sa buong Mindanao sa pamamagitan ng isinusulong na kasunduan sa Moro Islamic Liberation Front, may ilang grupo na patuloy na maghahasik ng karahasan sa ngayon daw ng kanilang sariling bersyon ng kapayapaan.
Papaano matatawag na para sa kapayapaan ang pagkakasawi na ngayon ng mahigit 60 buhay at pagkakasugat ng maraming iba pa? Bukod pa diyan ang pagkakasunod ng hindi bababa sa 200 kabahayan at paglikas sa kani-kanilang tahanan ng may 65,000-katao. Nasaan ang kapayapaan diyan?
Hindi rin makatwiran ang mungkahi ng ilan na i­tigil ang putukan at hayaan na makaalis sa Zamboanga ang mga tauhan ng MNLF na kasangkot sa pag-atake na nagdulot ng malaking perwisyo sa marami nating kababayan.
Tulad ng usapin sa pork barrel scandal, may leksyon na dapat matutunan sa karasahan sa Zamboanga.
At gaya ng paghahanap ng hustisya sa nawaldas na pondo umano sa pork barrel, dapat maihatid din sa kamay ng hustisya ang mga sangkot sa pagsalakay sa Zamboanga.
Kapag nahatulan at nakulong ang mga nagkasala, makikita ang paggulong ng katarungan at magdadalawang-isip na ang mga magbabalak na tahakin ang maling landas.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: