Friday, September 27, 2013

Wala sa wisyo!



Wala sa wisyo!
REY MARFIL


Walang basehan at matinong katwiran ang mga nasa likod ng karahasan sa Zamboanga City dahil hindi naman ibinasura ng administrasyong Aquino ang 1996 Final Peace Agreement (FPA) na nilagdaan ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF).
Malinaw na paninira lamang ang pagpapakalat ng maling impormasyon na inalis ng pamahalaan ang 1996 FPA para isulong ang pansariling interes at layunin ng ilang makasariling grupo at indibidwal.
Mahirap ding bilhin ang pahayag ni MNLF chairman Nur Misuari na wala siyang kinalaman sa nagaganap na karahasan na pakulo ng grupong kanyang tagasunod lalo’t hindi rin naman niya hinihimok ang mga ito na sumuko.
Si Misuari rin ang nagbanta na magdedeklara ng independent Bangsamoro Republic na mayroong sariling Konstitusyon bago nangyari ang karahasan ngayon sa Zamboanga City.
Sa katunayan, nagpapatuloy ang tinatawag na “tripartite review” sa proseso ng implementasyon ng GPH-MNLF peace pact sa tulong ng Organization of Islami­c Conference (OIC). Hiningi na rin ng pamahalaan ang tulong ng pamahalaang Indonesian para sa pagrebyu ng 1996 peace agreement sa MNLF upang makatulong sa pagresolba ng krisis.
Malinaw na sinusuportahan ng pamahalaan ang pagtatapos ng isinusulong na rebyu ng proseso at hindi ang pagtalikod sa usapang pangkapayapaan o ang 1996 FPA.
***
Napag-usapan ang panggugulo sa Zamboanga, dapat suportahan natin ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) sa pagbuo ng malakas na kaso laban sa mga kasapi ng MNLF na kaalyado ni Nur Misua­ri na umano’y nasa likod ng nagaganap na karahasan sa Zamboanga City.
Maganda ring pinuntuhan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pangangailangan na araling mabuti ang ulat na nabasura ang mga kaso laban kay Misuari sa kaagahan ng 2000 dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Nais lamang ng Pangulo na hindi mauulit ng kanyang administrasyon ang katulad na pagkakamali at tiyakin na mananagot ang lahat ng mga responsable sa karahasan sa Zamboanga City.
Dapat ding bigyan ang Pangulo ng malayang mga kamay na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang commander-in-chief ng bansa para resolbahin ang krisis sa Zamboanga City.
Isang mahusay na lider si Pangulong Aquino na mayroong kakayahang resolbahin ang krisis taglay ang ibayong pag-iingat.
Tama rin ang pamahalaan na tugisin ang mga nasa likod ng karahasan sa Zamboanga City na nagpabagsak sa ekonomiya nito matapos ang serye ng kaguluhan doon na kumitil sa buhay ng ilang mga tao at sumira ng maraming ari-arian.
Paglabag din sa Geneva Convention kaugnay sa Protection of Victims of Non-International Armed Conflicts ang mga ginagawa ng MNLF katulad ng paggamit sa mga bihag bilang kanilang panangga, pagbaril sa mga sibilyan, bumbero, at rescue workers katulad ng Philippine Red Cross.
Suportahan natin ang pamahalaan sa desisyon nitong hindi payagan ang mga kasapi ng MNLF na nasa likod ng kaguluhan na makatakas. Papanagutin natin ang mga ito para hindi pamarisan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: