Wednesday, October 2, 2013

MEGAN’DA!




MEGAN’DA!
Rey Marfil


Parang ulan na dumilig sa tuyot na lupa ang pagka­panalo ni Megan Young bilang kauna-unahang Pinay na Miss World ngayong 2013. Ang tagumpay ni Megan ay “megandang” balita sa bansa na ilang buwan na ring bugbog sa mga ‘di kaiga-igayang pangyayari sa Pilipinas.

Marahil ay maraming kababayan natin ang laging nakakunot ang noo mula nang mabisto ang pork barrel funds at Malampaya funds scandal na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles at ilang mga mambabatas, na nasundan pa ng pagsalakay ng ilang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City.

Kaya naman ang pambihirang panalo ni Megan bilang Miss World ay nagsilbing pang-exercise sa mukha nating mga Pinoy para makangiti man lang kahit sandali at maging proud sa ating lahi.

Sabi nga ni Megan, umaasa siya na ang kanyang panalo ay makapagbigay-inspirasyon sa diwa ng mga Pinoy. Bakit nga naman hindi. 
Sa panalo ni Megan, nakita ng buong mundo ang kagandahan at katalinuhan ng Pilipino, at kahit papaano ay nakabawas sa masamang nababalitaan nila tungkol sa mga mambabatas na nangdedekwat ng pera ng bayan, o mga kapwa Pinoy na nagpapatayan sa Zamboanga.

Hindi biro ang nakamit na tagumpay ni Megan dahil siya ang kauna-unahang Pinay na nakakuha ng korona ng Miss World. Kahit matitindi ang mga kalaban, hindi nawalan ng pag-asa at naging kampanya ang pambato ng Pilipinas na magtatagumpay.

Kung tutuusin, taglay talaga ng mga Pilipino ang pagiging matatag at nasa dugo natin ang “never say die” gaya ng koponang Ginebra sa basketball. Ang dugong ito ay hindi kay Megan dumadaloy, kundi maging sa mga Zamboangenyo na bumabangon na ngayon mula sa pagkakalugmok dahil sa pag-atake ng MNLF.

***

Kahit papaano, unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao doon kahit batid pa na aa­butin ng ilang buwan o taon bago ganap silang makabangon lalo na sa mga kababayan natin na nasunugan ng mga bahay.

Pero sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, tiyak na mas magiging mabilis ang pagbangon ng mga Zamboangenyo na higit pa sa inaasahan.

Napakaganda rin ang pananaw ng ilang lider sa lungsod na mas nakatingin sila ngayon sa hinaharap kaysa nagdaan. Mas nais nilang bigyan ng pansin ang pagba­ngon kaysa lingunin nila ang bakas ng karahasan.

Gaya ni Megan na buo at buhay na buhay ang loob sa pagsabak sa kompetisyon ng Miss World 2013 kahit alam niya na hindi magiging madali ang tinatahak na daan tu­ngo sa tagumpay, ganito rin ang nasa isipan ng mga Zamboangenyo na handang harapin ang kinabukasan ngayong tapos na ang lagim na idinulot ng MNLF.

Kung tutuusin, papaano mo malalasap ang saya ng tagumpay, kung hindi mo naranasan ang lungkot ng ka­biguan? Mabuhay si 2013 Miss World Megan Young, at mabuhay ang mga kababayan nating Zamboangenyo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: