‘Di iniwan! | |
Ang krisis sa Zamboanga City na marahil ang pinakamabigat na pagsubok na kinaharap ng tatlong taong administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- dito ay nasubok ang kanyang katatagan sa pagpapasya at pagiging lider ng bansa.
Sa panahon ng kagipitan, hindi iniwan ni PNoy ang mga mamamayan ng Zamboanga City at ang tropa ng pamahalaan na matapang na nakikipaglaban sa puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sinasabing mga tagasunod ng dati nilang lider na si Nur Misuari.
Hindi katulad ni Misuari na naghugas-kamay sa ginawang pagsalakay ng kanyang mga tauhan sa Zamboanga, si PNoy ay nanatili sa lungsod upang damayan ang libu-libong inosenteng sibilyan na napinsala ng kaguluhan.
Hindi biro ang perwisyo ng pagsalakay ng MNLF sa Zamboanga na ang sinasabing dahilan ng pagpunta doon ay magwagayway lamang ng kanilang bandila. Napakadami ng mga bahay at establisimiyento na nasunog, at nawasak sa tama ng mga bala at pampasabog, at tinatayang aabot sa P4 bilyon ang kailangang gugulin para makabangon ang Zamboanga.
Ngunit higit sa pinansyal na pinsala, hindi na maibabalik pa ang mahigit 100 buhay na nawala at trauma na iiwan sa isipan ng libu-libong nagsilikas lalo na sa mga bata.
Ang lahat ng iyan ay para daw sa ipinaglalaban na kalayaan ng iilang kasapi ng MNLF.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino na hanapan ng ganap na kapayapaan ang buong Mindanao, mayroon pa ring iilan na gustong magpatuloy ang kaguluhan at karahasan sa rehiyon.
Ang nangyaring pagwasak sa Zamboanga City ay nagpaalala sa iba pang pagsalakay na ginawa ng MNLF sa iba’t ibang lugar sa Mindanao. Gaya na lamang ng nangyari sa Jolo, Sulu noong 1974 na tinawag na “the burning of Jolo.”
Inabot din ng mahigit isang linggo ang bakbakan ng militar at puwersa ng MNLF. Marami ring buhay ang nawala at hindi mabilang ang mga bahay, at establisimiyento ang naabo dahil sa ginawang panununog.
***
Napag-uusapan ang bakbakan, tila sanay na nga ang MNLF sa ganitong taktika ng pag-atake at wala na silang pakialam sa mga inosenteng sibilyan na madadamay at mga karaniwan nilang tauhan na mapapatay sa labanan at mga makukulong. Samantalang ang kanilang mga lider, napakadaling maghugas ng kamay para makaiwas sa pananagutan.
Kung balewala sa lider ng MNLF ang buhay ng tao, hindi kay PNoy. Kahit magiging madali na tapusin ang krisis kung bobombahin ang mga lugar na pinagtataguan ng mga MNLF, mas pinili ni PNoy ang “calibrated attack” o piling pag-atake upang hindi mapahamak ang mga bihag na sibilyan at mga inosenteng kasapi ng MNLF na nalinlang sa pagpunta sa Zamboanga.
Ayon kay ARMM Gov. Mujiv Hataman, ang ibang sumukong MNLF ay pinapunta sa Zamboanga para daw sa peace parade at pinangakuan na mabibigyan ng buwanang sahod kapag naideklara nang United Nations ang kanilang kalayaan. Ngunit huli na para malaman nila nang maganap ang standoff at nauwi na sa pakikipagsagupa sa tropa ng pamahalaan.
Sa kabila nito, hindi naman nagdedeklara ng digmaan si PNoy sa buong MNLF dahil batid niya na hindi lahat ng kasapi at lider ng grupo ay sang-ayon sa marahas na hakbang na ginagawa sa Zamboanga City.
At sa pagtatapos ng krisis na ito, naging kasama ng mga mamamayan ng Zamboanga si PNoy mula sa simula, at makakaasa rin sila na kasama nila ang administrasyong Aquino hanggang sa muli nilang pagbangon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment