Daming epal! | |
Hindi man umabot sa isang milyon ang bilang ng mga dumalo sa “One Million March” sa Luneta, sa tingin ni Mang Juan ay sapat na ang dami ng mga Pinoy na nakiisa sa pagkilos sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo para matauhan ang mga taong nambaboy sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel fund ng mga mambabatas.
Iyon nga lang, marami rin ang nakapuna sa naturang pagtitipon na mayroon ding mga “baboy” na sumampa sa likod ng isyu ng “babuyan” para makaepal. Hindi pa kasama diyan ang mga kritiko ng administrasyong Aquino na nagkakandarapa sa paghabol sa “baboy” para makabato lang ng birada sa kasalukuyang gobyerno.
Ang nakakatawa, sinasabing nabuo ang panawagan na iprotesta ang pork barrel sa pamamagitan ng social media, partikular ang Facebook. Ang ibang kritiko na walang maipukol na puna sa “daang matuwid” ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, biglang nakakita ng koral na mapapasukan para makapaglaro ng putik.
Ang kaso, ang putik na gusto nilang ibato sa gobyerno ni PNoy tungkol sa isyu ng pork barrel ay naipon pa ng nagdaang gobyerno na siya namang patuloy na nililinis ng kasalukuyang pamahalaan -- ang katiwalian.
Ika nga ni Mang Kanor: Madaming sumakay sa isyu, as in “pasahero” ang pabigat dahil sila mismo’y nakinabang at tahimik sa panahong “binababoy” ang pork barrel ng nakaraang administrasyon.
Sinasabing lumala ang pang-aabuso sa PDAF sa nakaraang administrasyong Arroyo dahil ginamit itong “kendi” sa mga mambabatas para hindi siya ma-impeach at mapatalsik sa puwesto.
At ngayong lumutang ang isyu ng PDAF kay Janet Napoles na nangyari sa loob ng nakaraang 10 taon, at nasundan ng COA report tungkol din sa kuwestyonableng paggamit ng PDAF mula naman 2007 hanggang 2009, nagdesisyon si PNoy na ibasura na ang PDAF.
Pero dahil hindi naman puwedeng pabayaan ang mga distrito at kababayan ng mga mambabatas, magpapasok pa rin ng alokasyon para sa mga programa at proyekto sa kanilang nasasakupan pero sa prosesong hindi na ito masasamantala ng mga mambabatas.
***
Napag-uusapan ang rally, sa ginanap naman na pagtitipon sa Luneta, maging ang ilang baboy na nagkukunwaring maamong tupa ay dumalo at nakikikatay din sa pork barrel. Mabuti na lang at hindi mga “slow” ang mga tao na nandoon, pinaalis ang mga dorobong baboy.
Pero may ilan pa ring mga dating opisyal, dating mga mambabatas at dating mga heneral na nagsilbi sa gobyernong Arroyo, at nahaharap din sa mga kasong katiwalian o inakusahan din noon ng katiwalian ang umepal ay naki-ride din sa baboy. Hindi kaya sila kinilabutan sa acting na ginawa nila doon?
At may iba rin na pilit na naghahanap ng malisya at maipupuna sa Malacañang kahit pa sinabi na ng gobyerno na kaisa ito sa hangarin ng mga mamamayan sa matinong paggamit ng pondo. ‘Yung tipong kahit idineklara na mismo ni PNoy na ibinasura na ang PDAF, ay ipipilit pa rin nila na buhay pa ang PDAF at magkakaroon ng bagong pangalan.
Kahit pa sinabi ng Palasyo na nakikinig ang pamahalaan sa sentimiyento ng mga tao, ay ipipilit pa nila na hindi at maghahanap ng bagong dahilan para makakontrata gaya ng paggiit na isama rin na alisin ang President Social Fund ng Pangulo, at ipagpipilitan na pork barrel din ang nabanggit na pondo kahit hindi naman.
Ipinaliwanag na ng Palasyo na hindi pork barrel ang PSF at nakalaan ito sa mga espesipikong programa tulad ng mga biglaang problema tulad ng kalamidad o pagpapauwi sa mga kababayan natin sa abroad, mga pensyon, at iba pa.
Gayunpaman, habang patuloy na hinihimay sa Kongreso ang 2014 budget, asahan na may mga baboy na papalag dahil naapakan ang kanilang buntot sa mga isinasagawang reporma ni PNoy at paghabol sa mga umabuso sa kaban ng bayan.
Asahan din na may mga baboy na maghahanap ng iba pang koral para makapaglaro ng putik at mga baboy na maghahanap ng baboy na masasakyan para makaepal.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment