Sablay! | |
Sablay! Ganyan inilarawan ng mga miron na nag-uumpukan sa kanto ang naging pasabog ni dating ZTE-NBN whistleblower Jun Lozada tungkol sa sinasabing pagkunsinti ng Aquino government sa kontratang pinasok ng PhilForest Corporation sa San Jose Builders.
Para sa kaalaman ng publiko, ang PhilForest ay isang sangay na ahensya ng pamahalaan na dating pinamunuan ni Lozada noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Samantala, ang San Jose Builders ay pag-aari ng negosyanteng si Jerry Acuzar, na bayaw naman ni Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa.
Ang pinasok na kontrata ng PhilForest at San Jose Builders ay kasunduan na pagyayamanin ang ekta-ektaryang bakanteng lupain sa Busuanga sa Palawan.
Ayon kay Lozada na madalas umiyak sa harap ng media, “midnight deal” daw ang kasunduan ng PhilForest at San Jose Builders dahil nangyari ito ilang araw bago magtapos ang termino ni Mrs. Arroyo.
At dahil midnight deal, dapat daw ipinabasura ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kontrata pero hindi raw ito ginawa dahil sa alegasyon niya na malakas daw kasi si Acuzar bilang bayaw ni Ochoa.
Pero ang totoo pala, na baka hindi alam ni Lozada, ibinasura ng pamahalaang Aquino ang pinaghihimutok niyang kontrata ng PhilForest at San Jose Builders noon pang 2011.
Kaya’t ang tanong ni Mang Kanor: Hindi nga kaya alam ni Lozada ang impormasyong iyon o sadyang hindi niya ipinaalam para may maipuna kay PNoy?
Kung sabagay, hindi maaalis na paghinalaan na baka may itinatago pa ring hinampo si Lozada kay PNoy bunga ng nangyaring pag-uusap nila noon na sinasabing may kaugnayan sa dalawang kaso na kinakaharap niya sa Sandiganbayan.
***
Napag-uusapan ang himutok ni Lozada, sa isang press briefing, sinabi ni deputy spokesperson Abegail Valte, may hininging tulong si Lozada kay PNoy na hindi naman napagbigyan ng Pangulo. Malinaw noon pa man ang paninindigan ni PNoy na hindi ito makikialam sa anuman o kaninumang kaso na nakabinbin sa korte.
Kung tutuusin, kung sadyang naniniwala si Lozada na inosente siya sa ipinaparatang sa kanya, ano ang dapat niyang ikatakot? Panahon na ito ni PNoy na patas ang gulong ng hustisya at hindi katulad noon na panahon ng benggatibo na kapag hindi ka kakampi, katakut-takot na kaso ang isasampa sa iyo para lang gipitin.
Para sa kaalaman ng publiko: Ang kaso ni Lozada ay alegasyon noong panahon na siya pa ang presidente ng PhilForest. Naiakyat sa Sandiganbayan ang kaso laban kay Lozada dahil sa umano’y pagkiling nito na mabigyan ng leasehold rights sa public land ang kumpanya ng kanyang kapatid.
Ngunit bukod pa diyan, kinasuhan din si Lozada dahil sa pagbibigay niya ng isa pang leasehold rights sa public land para sa “sarili” niyang kumpanya at kanyang asawa, na lumilitaw na may pagkasariling interes.
Sa harap ng mga ingay ngayon tungkol sa alegasyon ng pag-abuso ng mga mambabatas sa kanilang pork barrel fund, mga naglipanang pekeng NGOs, at umano’y pagiging malambot ni PNoy sa mga kaalyado nito, hindi maiiwasan na mayroong magsamantala sa pagkakataon na makabira kahit kulang o mali ang kanilang sasabihin.
Hirit naman ni Mang Gusting: Kapag nabisto na walang basehan ang kanilang patutsada laban sa kanilang inaatake, walang masama at hindi kabawasan sa kanilang pagkatao na aminin ang kanilang pagkakamali, at humingi ng paumanhin.
Malay nila, baka may himalang mangyari sa kanilang kababaang loob... who knows.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment